Higit isang linggo matapos ilunsad ang petisyon ng Philippine-BRICS Strategic Studies na humihiling sa World Health Organization na simulan ang imbestigasyon sa Fort Detrick sa Amerika, ibinahagi ni Herman Laurel, tagapagtatag ng grupo na maganda ang naging reaksyon ng publiko sa kanilang inisyatiba.
Pumirma sa petisyong makikita sa http://www.change.org/probefortdetrick ang halos 1000 mamamayan di lamang sa Pilipinas, kundi mga nasa Australia, New Zealand, Malaysia at marami pang iba sa labas ng rehiyon.
Natutuwa si Laurel sa dahilang ibinigay ng mga netizen kung bakit sila sumuporta sa kampanya. Ayon kay Sharon Stavrou,“Because America is pushing to blame China, prove your innocence first.”Samantala, sinabi ni Alvin Aw mula sa New Zealand,“Due to the controversy over the Covid origin, US should allow WHO to investigate Fort Detrick facility as China has committed her similar obligation earlier at Wuhan.”
Si Herman Laurel
Pero malungkot na inilahad ni Laurel sa China Media Group Filipino Service na inalis ng YouTube ang post hinggil sa media forum na naglunsad sa petisyon. Ayon sa YouTube, di umano, ito’y ay taliwas sa pamantayan ng komunidad o “going against community standards”
Ayon kay Laurel, sinubukan ng organizers na umapela dahil ang mga taong nagsalita sa forum ay mga professionals sa larangan ng akademiko, media at medisina. Walang anumang masamang salita o hate words ang binanggit sa forum. Pero di pa rin ito umubra.
Nahihirapan din ang ilang netizen na gumagamit ng Facebook na buksan ang link ng petisyon para pumirma.
Sa kabila ng mga problemang ito, optimistikong sabi ni Laurel na patuloy na dumarami ang signatories ng petisyon.
Pagkatapos alisin ang ECQ sa Metro Manila, balak ng grupo ni Laurel na makipagtagpo at ihain ang petisyon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, WHO Philippine representative. Ihahayag ng grupo ang paninindigan kontra politisasyon ng origin tracing ng COVID-19 at ang panawagang palawigin ang imbestigasyon sa maraming mga bansa.
Hinggil sa pagbibigay pansin ng Ministry of Foreign Affairs ng Tsina sa Philippine-BRICS Strategic Studies Petition at sa bagong libro ni Adolfo Paglinawan, sinabi ni Laurel na ikinagagalak niyang makapag-ambag sa global discussion tungkol sa tamang direksyon na dapat tahakin ng COVID-19 origin-tracing project at ang depolitization ng WHO operations.
Para labanan ang pagkalat ng fake news tungkol sa COVID-19 pandemic at ang pamumulitika, balak ng grupo ni Laurel na ilunsad ang mas maraming public fora hinggil sa mga isyung kritikal sa ugnayan ng Pilipinas at Tsina. Aniya sa ganitong paraan ay mas mapapalawak ang kaisipan ng mga Pilipino sa mga usaping may direktang epekto sa dalawang pamahalaan at mga mamamayan ng dalawang bansa.
Ulat: Machelle Ramos
Web-edit: Jade
Larawan: Herman Laurel