Isang petisyon sa platapormang change.org ang inilusad sa Pilipinas nitong Agosto 5, 2021 sa pangunguna ng Philippines-BRICS Strategic Studies na humihiling sa World Health Organization (WHO) na imbestigahan ang Fort Detrick sa Maryland, Amerika.
Ito ay bunsod ng lumalakas na panawagan para hanapin ang katotohanan hinggil sa tunay na pinagmulan ng COVID-19. Tugon din ito sa patuloy na pamumulitika ng Amerika sa isyu ng pandemya at panggigipit sa WHO na muling isagawa ang pananaliksik sa Tsina.
Sa kabila ng resulta ng unang pananaliksik ng WHO at Tsina, pilit pa ring idinidiin ng Amerika ang sisi sa Tsina.
Dahil dito, maraming mga bansa ang nanindigan na‘wag bahiran ng pulitika ang usaping ito.
Matatandaang Hulyo 15, nagpadala ng liham sa WHO ang mga permanenteng kinatawan mula sa 48 kasaping bansa ng United Nations sa Geneva bilang pagtutol sa pagsasapulitika ng paghahanap sa pinagmulan ng COVID-19.
Kinondena ng Pilipinas ang naturang pamumulitika. Agosto 2, ipinahayag ni Spokesperson Harry Roque na kailangang matukoy ang pinag-ugatan ng COVID-19, ngunit dapat hayaang isagawa ito ng mga siyentista at eksperto. Dapat hanapin ang kasagutan batay sa agham at hindi batay sa pulitika. Dagdag niya, “Mahalagang magkapit-bisig ang buong mundo para labanan ang COVID-19. Pero kung isasapulitika ito, magiging hadlang ito sa mga gawain upang labanan ang pandemya.”
Ani Herman Laurel, panelist ng media forum nitong Huwebes kung saan inilunsad ang petisyon, kahibangan at pagsasayang ng oras ang ginagawang pambabraso ng Amerika sa WHO. Maraming mga ulat mula sa mga eksperto ang nagpapatunay na lumitaw ang COVID-19 sa mga bansang gaya ng Amerika, Italya, Espanya at Hapon bago pa man natuklasan ang virus sa Tsina.
Si Herman Laurel sa forum
Ayon pa sa mamamahayag at radio host, ang logical direction ngayon ay hangga’t makakaya, palawigin ang paghahanap upang matukoy kung saan nangggaling ang Patient Zero. Ngayong mayroon nang mga bakuna, ang pagtukoy sa pagsisimula ng COVID-19 ay tiyak na makakatulong, di lamang sa pagpigil, kundi maging sa paghahanap ng gamot sa naturang sakit.
Maraming mga sagot, naniniwala ang grupo ni Laurel, ang matutuklasan kung imbestigahan ng WHO ang U.S. Army Medical Research and Development Command sa Fort Detrick.
Sinabi naman ni Prof. Leomil Aportadera, dalubhasa sa medisina at batas, sang-ayon siya sa pagpapalawig ng saklaw ng paghahanap sa pinagmulan ng virus. Itinuturing ng WHO aniya ang Wuhan bilang lugar kung saan unang naiulat ang kaso ng C0VID-19. Hindi nito idineklara na doon nagsimula ang COVID-19.
Si Prof. Leomil Aportadera sa forum
Sinipi niya ang liham ng 18 scientists at virologists na inilathala sa Science Journal noong Mayo 14, 2021. Ayon kay Dr. Jesse Bloom at kaniyang mga kasamahan, kinakailangan ang higit na paglilinaw tungkol sa pinag-ugatan ng pandemya at kayang-kayang makamit ito. Aniya pa, ang tamang imbestigasyon ay dapat maging transparent at obdyektibo, batay sa datos, kinabibilangan ng malawak na kadalubhasaan, at dapat ding isailalim sa independiyenteng pangangasiwa at mahusay ang pamamahala upang bawasan ang epekto ng salungat na interes.
Inilunsad din sa media forum ang bagong libro ng mamamahayag at radio host na si Ado Pagliwanan na pinamagatang No Vaccine for a Virus called Racism-- A survey of COVID-19 implications from an international perspective.
Si Ado Pagliwanan sa forum
Tinatalakay ng libro kung paano ginamit ang COVID-19 para sa political agenda ng Amerika. Nagsimula sa pagbansag ni dating Pangulong Donald Trump sa COVID-19 bilang“Chinese virus,”at pagbaling ng sisi sa Tsina sa halip ng pag-ako sa mga pagkukulang ng Amerika sa pagtugon sa krisis ng pandemya, na humantong sa kasalukuyang nakagigimbal na karahasan kontra-Asyano sa Amerika.
Sinabi ni Ado Paglinawan sa Zoom media forum, hahantong sa gyera ng impormasyon ang pamumulitikang sinimulan ni Pangulong Trump. Ang lantarang agenda ay: Sisihin ang Tsina bilang pinag-ugatan ng pandemya at singilin ito ng bayad-pinsala.
Naniniwala si Paglinawan na ang COVID-19 ay kumalat dahil sa human-to-human transmission. May kinalaman aniya ang laboratory incident noong Hulyo 2019 na naging dahilan para isara ng US Centers for Disease Control ang Fort Detrick Lab noong Agosto 2019 dahil sa“lab leak.”Pinaghihinalaan ding sanhi ito ng respiratory outbreak sa Northern Virginia sa panahong iyon.
Binanggit din sa forum na dapat isapubliko ng Amerika ang mga medical record ng mga servicemen na nagkasakit habang kalahok sa 7th Military World Games na ginanap noong Oktubre 2019 sa Wuhan.
Ayon sa mga panelists, kailangang maging transparent ang resulta ng pagsusuri upang mahanap ang katotohanan sa tunay na pinanggalingan ng COVID-19.
Ang petisyon ay makikita sa: http://www.change.org/probefortdetrick.
Halos 50 katao ang sumali sa forum na kinabibilangan ng media, sektor ng medisina, NGOs at Think Tanks. Itinaguyod ito ng Philippine-BRICS Strategic Studies.
Ulat: Mac
Edit: Jade
Larawan: Screenshot ng forum