Kinumpirma nitong Huwebes, Setyembre 2, 2021 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina na bago ang katapusan ng Oktubure, ipagkakaloob ng China National Pharmaceutical Group o Sinopharm at Sinovac Biotech Ltd. ng Tsina ang 110 milyong dosis ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa COVAX. Ito’y ambag ng Tsina para pataasin ang distribution at accessibility ng bakuna sa mga umuunlad na bansa.
Aniya, parating sumusuporta at sumasali ang panig Tsino sa COVAX, at nagpupunyagi para mapasulong ang accessibility at affordability ng bakuna sa mga umuunlad na bansa.
Tinukoy ni Wang na sa katatapos na kauna-unahang pulong ng International Forum on COVID-19 Vaccine Cooperation, ipinatalastas ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang pagkakaloob ng 2 bilyong dosis ng bakuna sa buong mundo sa kasalukuyang taon, at pagbibigay ng 100 milyong dolyares na donasyon sa COVAX para sa distribusyon ng bakuna sa mga umuunlad na bansa.
Salin: Vera
Pulido: Mac