Ipinatalastas nitong Lunes, Hulyo 12, 2021 ng Global Alliance for Vaccines and Immunization (GAVI) na magkahiwalay na nilagdaan nito, kasama ng China National Pharmaceutical Group o Sinopharm at Sinovac Biotech Company Limited ng Tsina ang advance purchase agreements.
Ito ay nangangahulugang kasali na sa Vaccines Global Access (COVAX) ang mga bakuna ng Sinopharm at Sinovac, at maaari nang magsuplay ng bakuna sa mga umuunlad na bansa simula ngayong buwan.
Ayon sa kasunduan, bago ang katapusan ng Oktubre ng taong ito, maaaring ipagkaloob ng nasabing dalawang kompanyang Tsino ang 110 milyong dosis ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa COVAX.
Inihayag ng kaukulang tauhan ng Permanenteng Misyon ng Tsina sa United Nations (UN) sa Geneva na ang paglagda ng GAVI at dalawang kompanyang Tsino sa kasunduan ay nagpapakita ng pagpapatupad ng panig Tsino ng pangakong gawing pandaigdigang produktong pampubliko ang bakuna, sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon.
Inaasahan aniya ng Tsina na makakakuha ang mas maraming bakunang Tsino ng Emergency Use Listing ng World Health Organization (WHO), at sasapi sa COVAX sa lalong madaling panahon, para gawin ang positibong ambag sa pagpuksa ng buong mundo sa pandemiya.
Salin: Vera
Pulido: Mac