“Sama-sama Para sa Isang Pinagbabahaginang Kinabukasan (Together for a Shared Future),” --ito ang opisyal na moto ng 2022 Beijing Olympic at Paralympic Winter Games na isinapubliko nitong Biyernes, Setyembre 18, 2021.
Hinihikayat ng nasabing moto ang unibersal na pagkakaisa, kapayapaan, progreso at pagiging inklusibo.
Ito rin ang interpretasyon ng bagong rebisadong moto ng Olimpiyada na“ Mas Mabilis, Mas Mataas, Mas Malakas-Magkakasama (Faster, Higher, Stronger - Together),”saad ng Beijing 2022 Organizing Committee (BOCOG) sa isang press release.
Nakatakdang ganapin ang Beijing 2022 Winter Olympics mula Pebrero 4 hanggang Pebrero 20, at ang Winter Paralympics naman, mula Marso 4 hanggang 13.
Taos-pusong imbitasyon at pag-asa ng sambayanang Tsino para sa buong mundo: Sa ilalim ng diwa ng Olimpiyada, magkakakapit-bisig at magtutulungan ang mga mamamayan ng buong mundo para magkasamang lumikha ng masaganang kinabukasan.
Ang mascot ng Beijing 2022 Olympic Winter Games na si Bing Dwen Dwen (kaliwa), isang animated giant panda, kasama ng mascot ng Beijing 2022 Paralympic Winter Games na si Shuey Rhon Rhon (kanan), isang animated red lantern.
Sapul noong 1984, bawat Olympic Games ay may katangi-tanging opisyal na moto.
Narito ang mga moto ng mga nakaraang Winter Olympics.
Ang“Can't You Feel It”ay ang moto ng 1988 Winter Olympics na ginanap sa Calgary, Canada.
Sa kabuuan, 1,423 atleta mula sa 57 bansa’t rehiyon ang lumahok sa 10 laro na kinabibilangan ng 46 na event.
Sa 1992 Winter Olympics na idinaos sa Albertville, Pransya, “One Light One World” naman ang opisyal na moto.
Sa palarong ito, ang Short track speed skating at freestyle skiing ay opisyal na inilakip sa winter Olympics.
Sa ilalim ng motong“Fire in Your Heart,”itinaguyod ng Norway ang ika-17 Winter Olympics, noong 1994, na binansagan bilang Lillehammer '94.
Sapul noong Lillehammer '94, ang Winter Olympics at Summer Olympics ay hindi na idinaraos sa parehong taon.
Noong 1998, Winter Olympics sa Nagano, Hapon, “Coexistence with Nature” ang naging moto.
Sa palarong ito, inilakip ang snowboarding sa kauna-unahang pagkakataon.
Bukod diyan, idinagdag ang curling bilang bagong laro at women’s ice hockey sa ice hockey program.
Ang “Light the Fire Within" ay ang moto ng 2002 Salt Lake Winter Olympics na ginanap sa Estados Unidos.
Sa palarong ito, ang larong skeleton ay ibinalik sa programa ng Winter Olympic Games at sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Olimpiyada, ang mga manlalarong babae ang nakipagpaligsahan dito.
Pinasinayaan din sa 2002 Winter Olympics ang event na women's bobsleight.
Ang ika-20 Winter Olympics na ginanap sa Turin, Italya, noong 2006 ay tinagurian bilang Turin 2006. Ang moto nito ay“Passion Lives Here."
Tampok naman sa 2010 Vancouver Winter Olympics ang moto na“With Glowing Hearts.”Ang motong ito ay bahagi ng liriko ng pambansang himig ng Kanada.
Ang “Hot Cool Yours” ay ang moto ng 2014 Winter Olympics na nangyari sa Sochi, Rusya. Siyamnapu't walong (98) event sa 15 disiplina ng pitong isports ang bumuo nito.
Sa ilalim ng motong“Passion Connected,”ang 2018 Winter Olympics ay ginanap sa PyeongChang, Timog Korea.
Salin/Edit: Jade
Pulido: Rhio