Pagkaraan ng walang patid na pagpupunyagi ng pamahalaang Tsino, maayos na bumalik nitong Sabado, Setyembre 25, 2021 sa Tsina si Ginang Meng Wanzhou, Chief Financial Officer ng Huawei Technologies Co. Ltd.
Kaugnay nito, inihayag kahapon ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang malakas na Tsina sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) ay magpakailanmang nagsisilbing matibay na sandigan ng bawat mamamayang Tsino.
Aniya, may matibay na mithiin at malakas na kakayahan ang partido at pamahalaan ng Tsina, para buong tatag na pangalagaan ang lehitimong karapatan at kapakanan ng mga mamamayan at kompanyang Tsino, at ipagtanggol ang kapakanan at dignidad ng partido at bansa.
Dagdag niya, ang kaso ni Meng Wanzhou ay isang political frame-up at persekusyong pulitikal na nakatuon sa mamamayang Tsino, at layon nitong sugpuin ang hay-tek na kompanyang Tsino na gaya ng Huawei.
Ayon sa salaysay, nitong Sabado ng gabi, ang impormasyon hinggil sa maayos na pag-uwi ni Meng sa online platform ng China Media Group (CMG) ay nakakuha ng mahigit 400 milyong “likes,” at ang bilang na ito ay mas malaki kaysa kabuuang populasyon ng Amerika at Kanada.
Salin: Vera
Pulido: Mac