Sa ika-48 Sesyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), sa ngalan ng mahigit 30 umuunlad na bansa, nagtalumpati nitong Martes, Setyembre 28, 2021 ang kinatawang Tsino, bilang pananawagan sa patas na distribusyon ng bakuna sa buong mundo.
Tinugunan ng kinatawang Tsino ang pagkabahala ng komunidad ng daigdig sa isyu ng “vaccine divide,” at ipinagdiinang dapat maging pandaigdigang produktong pampubliko ang bakuna, at huwag isagawa ang vaccine nationalism.
Sa kasalukuyang kalagayan ng tuluy-tuloy na pagkalat ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa daigdig, ang bakuna ay nananatili pa ring mabisang pang-kontra sa pandemiya. Pero may monopolyo ang iilang maunlad na bansa sa karamihan ng mga bakuna, samantalang kapos sa bakuna ang karamihan ng mga umuunlad na bansa.
Ayon sa ulat na inilabas kamakailan ng United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD), sa mga 46 na pinaka-di-maunlad na bansa sa buong mundo, 2% ng populasyon lang ang nabakunahan, pero 41% ang ganitong datos ng mga maunlad na bansa.
Sa katunayan, sapul nang sumiklab ang pandemiya ng COVID-19, iginigiit ng Amerika at ilang bansang kanluranin ang vaccine nationalism, isinasapulitika ang isyu ng coronavirus origin-tracing, at niluto ang salitang “vaccine diplomacy” para siraan ang ibinigay na pagsuporta ng Tsina sa pandaigdigang sigasig laban sa pandemiya. Sa tingin nila, mas mahalaga ang personal na kapakanang pulitikal kaysa buhay at kalusugan ng sangkatauhan, at ito ay ganap na taliwas sa simulain ng karapatang pantao.
Sa kabilang banda naman, ipinagkakaloob ng Tsina, sa abot ng makakaya, ang mga bakuna sa komunidad ng daigdig, at aktibong pinapasulong ang pandaigdigang kooperasyon kontra pandemiya.
Sa ilalim ng pagsubok ng pandemiya, madaling makita kung sino ang nagsasabalikat ng sariling responsibilidad at obligasyon, at puspusang naggagarantiya sa karapatang pantao, at sino ang nagbabaling ng sariling pananagutan sa ibang panig, at yumuyurak sa karapatang pantao.
Salin: Vera
Pulido: Mac