Sa panahon ng Ika-48 Sesyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), isiniwalat Martes, Setyembre 14, 2021 ni Jiang Duan, Ministro ng Misyong Tsino sa UN sa Geneva, ang pagkabahala ng grupo ng mga bansang kinabibilangan ng Tsina hinggil sa malubhang problema ng Amerika sa karapatang pantao.Tinukoy niyang nagbubulag-bulagan ang Amerika sa karapatan sa buhay at kalusugan ng mga mamamayan; nakikisangkot sa manipulasyong pulitikal, sa halip na puspusang paglaban sa pandemiya; at nagtatangkang ibaling ang sariling pananagutan sa iba, kaugnay ng pagkabigo nito sa paglaban sa pandemiya.
Bukod dito, ang sistematikong rasismo at pagtatanging panlaha ay umiiral pa rin sa Amerika sa loob ng mahabang panahon, dagdag ni Jiang.
Aniya, sa katuwiran ng “demokrasya” at “karapatang pantao,” ikinakalat ng Amerika ang mga pekeng impormasyon, sapilitang pinalalaganap ang sariling modelo at estilo ng pagpapahalaga sa ibang panig, at malubhang nilalapastangan ang karapatang pantao ng mga mamamayan ng ibat-ibang bansa.
Diin niya, kahit umurong na mula sa Afghanistan ang tropang Amerikano, dapat imbestigahan pa rin ang krimeng nagawa nito at mga kaalyansa kaugnay ng pamamaslang sa mga siblyang Afghan nitong nakalipas na 20 taon, at dapat parusahan ang mga may-kagagawan ayon sa batas.
Hinimok ni Jiang ang Amerika na iwasto ang sariling kamalian, at resolbahin ang sariling problema sa pamamagitan ng aktuwal na aksyon.
Nanawagan din siya sa UNHRC at High Commissioner for Human Rights na subaybayan ang isyu ng karapatang pantao ng Amerika.
Salin: Vera
Pulido: Rhio