Bilang tugon sa napabalitang intensyon sa pagdalaw sa Tsina ni Gina Raimondo, Kalihim ng Komersyo ng Estados Unidos, sinabi ni Shu Jueting, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina na nananatiling normal ang komunikasyon ng mga grupong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng dalawang bansa.
Sa regular na preskon nitong Huwebes, Setyembre 30, 2021, sinabi ni Shu na ang esensya ng relasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan ng Tsina’t Amerika ay win-win at mutuwal na kapakinabangan.
Ang pagpapalitan at pagtutulungan ng Tsina at Amerika ay hindi lamang angkop sa kapakanan ng mga mamamayan ng dalawang bansa, kundi makakabuti rin sa buong daigdig, paliwanag niya.
Hinggil sa aplikasyon ng Tsina sa pagsapi sa Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership (CPTPP), inilahad ng tagapagsalitang Tsino na ipinakikita nito ang hangarin at determinasyon ng Tsina para ibayo pang mapalalim ang reporma’t pagbubukas sa labas.
Ito rin aniya ay pagkatig at paglahok ng Tsina sa pagtatatag ng mga sona ng malayang kalakalan.
Kaugnay naman ng maalwang pag-uwi sa Tsina ni Meng Wanzhou, Chief Finance Officer ng telecoms firm na Huawei, diin ni Shu, tulad ng lagi, walang humpay na pinangangalagaan ng Tsina ang legal na interes ng mga bahay-kalakal na Tsino.
Salin: Jade
Pulido: Rhio