Magkasamang itinaguyod kamakailan ng pirmihang delegasyong Tsino sa United Nations (UN) at pamahalaan ng Rehiyong Awtonomo ng Uygur ng Xinjiang ang video exchange conference na may pamagat na “Isang Magandang Lugar ang Xinjiang.”
Dumalo sa nasabing pulong ang mga 120 personaheng kinabibilangan ng mga embahador at diplomata sa UN, opisyal ng UN, mamamahayag na Tsino at dayuhan, at kinatawan ng mga di-pampamahalaang organisasyon.
Sa kanyang keynote speech sa pulong, ipinahayag ni Shewket Imin, chairman ng Standing Committee ng People's Congress ng Xinjiang Uygur Autonomous Region, na nitong nagdaang 4 na taong singkad, walang naganap na marahas at teroristikong kaso sa Xinjiang, at nagiging tampok ang turismo sa de-kalidad na pag-unlad ng kabuhayan ng Xinjiang. Bukod dito, makasaysayang nalutas ang problema ng karalitaan sa Xinjiang.
Ngunit, binabalewala aniya ng ilang puwersang kontra-Tsina ang katotohanan, at dinudungisan ng walang batayan at ebidensya ang Xinjiang. Layon nitong sirain ang kaligtasan at katatagan ng Xinjiang at hadlangan ang pag-unlad ng Tsina, aniya.
Buong tindi itong kinokondena at tinututulan ng mga mamamayan ng Xinjiang, diin pa niya.
Ipinahayag din ni Zhang Jun, Pirmihang Kinatawang Tsino sa UN, na nitong ilang taong nakalipas, matatag ang lipunan ng Xinjiang, bumubuti ang kabuhayan, at walang patid na tumataas ang lebel ng pamumuhay ng mga mamamayan ng iba’t-ibang nasyonalidad sa Xinjiang.
Magkakasunod namang ipinahayag ng mga dayuhang kalahok na sa pamamagitan ng nasabing pulong, ibayo pa nilang naunawaan ang isang tunay at magandang Xinjiang.
Binigyan din nila ng papuri ang mga natamong bunga ng Xinjiang sa iba’t-ibang larangan.
Salin: Lito