CICA, patuloy na isusulong ang kapayapan, kooperasyon, seguridad at kaunlaran ng Asya

2021-10-12 21:08:40  CMG
Share with:

CICA, patuloy na isusulong ang kapayapan, kooperasyon, seguridad at kaunlaran ng Asya_fororder_下载

 

Sa ilalim ng temang“Seguridad at Sustenableng Pag-unlad sa Asya sa mga Bagong Realidad sa Mundo Pagkatapos ng Pandemya,” idinaos Martes, Oktubre 12, 2021, ang Ika-6 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Conference on Interaction and Confidence Building Measures in Asia (CICA), sa Nur-Sultan, kabisera ng Kazakhstan.

 

Dumalo sa pulong ang mga kinatawan mula sa 40 miyembro ng CICA at mga bansang tagamasid. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansang tagamasid ng CICA.

 

Tinalakay ng mga kalahok ang hinggil sa kasalukuyang panrehiyong situwasyon, pagtutulungan bilang tugon sa mga tradisyonal at di-tradisyonal na banta at hamong panseguridad, post-pandemic na pag-unlad ng kabuhayan, at kooperasyon ng CICA sa iba’t-ibang larangan.

 

Napagkasunduan nilang patingkarin ang papel ng CICA sa pagpapasulong ng kapayapan, kooperasyon, seguridad at kaunlaran.

 

Sinang-ayunan din nila ang pagpapabilis sa pagtupad sa United Nations (UN) 2030 Sustainable Development Agenda para maisakatuparan ang mas masigla, berde, at malusog na pag-unlad ng daigdig.  

 

Ipinagdiinan nila ang pagtalima sa Karta ng UN at mga malawak na kinikilalang pandaigdig na alituntunin at prinsipyo, at pasulungin ang pagiging epektibo ng mga multilateral na pagtutulungan, para tugunan ang mga bagong banta’t hamon.

 

Hinimok din nila ang komunidad ng daigdig na magkapit-bisig para labanan ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), kung saan ang World Health Organization (WHO) ang kailangang gumanap ng nukleong papel.  

 

Sa ngalan ng Tsina lumahok sa pulong si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas, sa pamamagitan ng video link.

 

CICA, patuloy na isusulong ang kapayapan, kooperasyon, seguridad at kaunlaran ng Asya_fororder_1310240401_16340441559801n

 

Ipinahayag ni Wang ang kahandaan ng Tsina na patuloy na pasulungin, kasama ng lahat ng panig, ang pagpapalalim at pagpapatatag ng proseso ng CICA para maisakatuparan ang kaunlaran at katatagan ng rehiyon at itatag ang komunidad ng Asya na may pinagbabahaginang kinabukasan.

 

Kabilang sa mga panawagan ni Wang sa mga miyembro ng CICA ang patuloy na pagpapalalim ng pagtutulungan kontra COVID-19, sama-samang pangangalaga ng kaligtasan at katatagan, pagpapasulong ng muling paglago ng kabuhayan, at pagpapatupad sa multilateralismo.

 

Sa Ika-47 Sesyon ng Pangkalahatang Asemblea ng UN (UNGA) noong Oktubre 5, 1992, iminungkahi ni Nursultan Nazarbayev, unang pangulo ng Republika ng Kazakhstan ang pagtatatag ng CICA.

 

Layon nitong balangkasin at tupdin ang mga hakbangin para mapasulong ang kapayapaan, kaligtasan, katatagan, at multilateral na pagtitiwalaan ng Asya.

 

 Pahayag ng Ika-6 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng CICA. 

 

Salin: Jade

Pulido: Rhio

Please select the login method