Idinaos nitong ika-22 ng Oktubre, local time, ang isang virtual forum na nilahukan ng mga opisiyal mula sa Departamento ng Estado ng Estado Unidos at Awtoridad ng Taiwan. Tinalakay ng dalawang panig ang hinggil sa pagpapasulong ng paglahok ng Taiwan sa mga suliranin at aktibidad ng United Nations (UN). Tungkol dito, nagpahayag ang Chinese Embassy sa US ng pormal na pagtutol.
Sa isang representation, ipinagdiinan ng Chinese Embassy sa US na ang UN ay isang organisasyong internasyonal na binubuo ng mga soberanyal na bansa. At malinaw na naitakda ang resolusyong 2758 na iniadopt ng General Assembly noong 1971 na ang Republika ng Bayan ng Tsina (PRC) ay tanging kinatawan ng mga mamamayang Tsino sa UN sa pulitika, batas at iba pang aspekto. Ang Taiwan anito, ay di-mahihiwalay na bahagi ng Tsina, dapat tumalima ang Amerika sa prinsipyong Isang Tsina at mga tuntunin sa tatlong Magkasanib na Komunike ng Tsina at Amerika, at mag-ingat sa mga pananalita tungkol sa isyu ng Taiwan.
Hinimok din ng panig Tsino ang Amerika na agad na itigil ang mga pahayag at kilos na nakakapinsala sa soberanya at kabuuang teritoryo ng Tsina, huwag magpadala ng maling signal sa puwersang naninindigan sa "pagsasarili ng Taiwan," para maiwasang masira ang relasyong Sino-Amerikano at kapayapaan at katatagan sa Taiwan Straits.
Salin: Sissi
Pulido: Mac