De-kalidad na produktong Pilipino, mabibili na sa JD.com: Pambansang Pabilyon ng Pilipinas, inilunsad

2021-10-27 15:41:51  CMG
Share with:

Upang maiging maipalaganap ang mga produktong Pilipino sa mas maraming mamimiling Tsino na naghahanap ng matataas na kalidad, malusog, at kombinyenteng produkto, pinasinayaan kamakailan sa Sentro Rizal ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing, ang “Pambansang Pabilyon ng Pilipinas” sa JD.com, isa sa mga pinakamalaking business-to-consumer (B2C) e-commerce na plataporma ng Tsina.

 

De-kalidad na produktong Pilipino, mabibili na sa JD.com: Pambansang Pabilyon ng Pilipinas, inilunsad_fororder_微信图片_20211027164456

Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina (panlima mula sa kanan); Ana Abejuela, Agricultural Counsellor (pang-apat mula sa kanan); Glenn Penaranda, Trade Counsellor (pangatlo mula sa kanan) kasama ang mga opisyal ng JD.com at Prestige International

 

Sa panayam sa Serbisyo Filipino – China Media Group (SF-CMG), sinabi ni Commercial Counsellor Glenn Peñaranda ng Philippine Trade and Investment Center – Beijing (PTIC-Beijing), na ang Pambansang Pabilyon ng Pilipinas ay isang paraan para bigyan ng kasiguruhan ang mga mamimiling Tsino na kanilang binibiling mga produkto ay de-kalidad at malusog.

 

De-kalidad na produktong Pilipino, mabibili na sa JD.com: Pambansang Pabilyon ng Pilipinas, inilunsad_fororder_微信图片_20211027164502

Glenn Penaranda, Trade Counsellor

 

Aniya, sa ngayon ay marami nang produktong Pilipino na makikita sa mga online na plataporma ng Tsina, pero, walang kasiguruhan ang mga konsumer kung ang mga ito ay awtentiko.

 

“Pero ito, sa Pambansang Pabilyon, may karagdagang kasiguruhan ang mga konsumer na inindorso ng ating gobyerno ang mga produkong ito, itong mga kompanyang ito,” paliwanag pa niya.

 

Umaasa si Peñaranda na sa pamamagitan ng Pabilyon ng Pilipinas sa JD.com,  mas lalawak at mas mapapalaganap ang interes ng maraming Tsinong mamimili sa mga produktong Pilipino.

 

Sa ngayon, mabibili na ang Aqua Coco (sabaw ng buko) sa nasabing online na plataporma.

 

Hinggil dito, sinabi niyang, “maganda itong umpisa, kasi ngayon, maraming konsumer na Tsino ang naghahanap ng malusog na produkto… Parang iyong buko ang [mismong] binuksan mo at iyong tubig ang iniinom mo.”

 

Bukod diyan, sa lalong madaling panahon ay mabibili na rin aniya sa nasabing plataporma ang marami pang produktong Pilipino na kinabibilangan ng mga biskuwit na gawa mula sa gulay at prutas  at iba’t-ibang uri ng mga nut na gaya ng pili.

 

De-kalidad na produktong Pilipino, mabibili na sa JD.com: Pambansang Pabilyon ng Pilipinas, inilunsad_fororder_微信图片_20211027191128

Homepage ng Pambansang Pabilyon ng Pilipinas sa JD app

 

Paliwanag ni Peñaranda, ang pagbubukas ng Pambansang Pabilyon ng Pilipinas sa JD.com ay napakahalaga sa maraming kompanyang Pilipino, dahil ito ay nagsisilbing pagkakataon upang mapasok nila ang napakalawak na merkado ng Tsina.

 

Kapag lumaki ang kanilang benta, lalaki rin ang kanilang pangangailangan sa produksyon at tataas din ang bilang ng mga kakailanganing trabahanteng Pilipino. Ito ay magdudulot ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino, saad niya pa.

 

Dagdag niya, ang pagkain ay isang uri ng kultura, kaya naman ang Pambansang Pabilyon ng Pilipinas ay hindi lamang hinggil sa negosyo, kundi ito rin ay hinggil sa pagbabahagi ng kulturang Pilipino sa mga kaibigang Tsino.

 

Iba pang online at offline na plataporma, itatayo sa Tsina

 

Bukod sa JD.com, nakatakda ring ilunsad ang Pambansang Pabilyon ng Pilipinas sa womai.com, online grocery platform ng COFCO at Bairong World Trade Center, offline na pakyawang pasilidad na matatagpuan sa lunsod Zhengzhou, lalawigang Henan, gawing gitna ng Tsina bago magtapos ang 2021.

 

Ang COFCO ay isa sa mga pinakamalaking tagaproseso, tagagawa ng produktong pagkain, at tagapagnegosyo ng agrikultural na produkto sa Tsina.

 

Samantala, ang lalawigang Henan sa bandang gitna ng Tsina, kung saan matatagpuan ang Bairong World Trade Center ay may mahigit 100 milyong populasyon, kaya naman sa pamamagitan nito, magkakaroon ng mas malawak na akses ang mga produkto ng Pilipinas sa sentral at hilagang bahagi ng bansa.

 

Maliban diyan, sinabi ni Peñaranda na, konektado ang lalawigang Henan sa iba pang bansa ng gitnang Asya at Europa sa pamamagitan ng daambakal, at dinadala ng ilang negosyante ang mga produktong Pilipino na gaya ng banana chips, dried mangoes at cookies sa kani-kanilang mga lugar.

 

“Nakakatuwa na nakikita natin na nandoon iyong mga produkto natin,” pahayag ng opisyal.

 

Sinabi pa niyang sa lalong madaling panahon ay maglalagay pa ng mas maraming produktong Pilipino sa lugar na ito.

 

Prestige International, katuwang at kapanalig ng mga kompanyang Pilipino

 

Ang Prestige International ay ang kompanyang Tsinong kabalikat ng PTIC-Beijing sa paglulunsad ng Pambansang Pabilyon ng Pilipinas sa JD.com, at plano pang paglulunsad sa womai.com at Bairong World Trade Center.

 

Tungkol dito, sinabi ni Peñaranda na, ang nasabing kompanya ay may malawak na karanasan sa online trading at marami sa kanilang mga opisyal ay pamilyar sa Pilipinas.

 

“So, mahalaga iyon. Iyong puso nila [ay] nasa Pilipinas. Alam nila iyong mga produkto natin,” kuwento ng opisyal.

 

Umpisa pa lamang ang paglulunsad ng Pambansang Pabilyon ng Pilipinas sa JD.com, at naniniwala si Peñaranda na, malaking tulong ang magagawa pa ng Prestige International sa pagpapakilala at pagpapalaganap ng mga de-kalidad na produktong Pilipino sa merkadong Tsino.

 

“Kung magiging matagumpay tayo rito, sa pamamagitan ng kanilang network, puwede rin tayong pumunta sa iba pang merkado,” dagdag niya.

 

Bukod sa pagpo-promote ng mga produktong Pilipino, kung kinakailangan ay nakahanda rin ang Prestige International na maglagak ng pondo sa mga produktong Pilipino upang mapabuti ang packaging at kalidad ng  mga ito.

 

“Hindi lang sila trader. Kasi iyong mga trader, simple lang, kung anong produkto ang mayroon ka, iyon na. Pero, sila, gusto nilang makita kung ano pa ang mga bagay na puwedeng magkasamang gawin, hindi lang short term, pero long term,” saad ni Peñaranda.

 

Bukod sa PTIC-Beijing, kasama rin sa likod ng pagkakatayo ng Pambansang Pabilyon ng Pilipinas sa JD.com ang Office of the Agriculture Counsellor (OAC), Philippine Department of Tourism (PDOT) at Embahada ng Pilipinas sa Beijing.

 

 

Panayam/Ulat: Rhio Zablan

Patnugot sa teksto: Jade/Rhio

Patnugot sa web: Jade/Sarah

Larawan: Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina/homepage ng  Pambansang Pabilyon ng Pilipinas sa JD app

Please select the login method