Setyembre 28, 2021, Beijing Garden Expo - Pinalipad sa asul na himpapawid ng lunsod ang napakaraming makukulay, naggagandahan at may ibat-ibang disenyong saranggola kasabay ng pagbubukas ngayong araw ng Ika-9 na Beijing International Kite Festival at Beijing-Tianjin-Hebei Kite Exchange.
Sa panayam ng China Media Group-Filipino Service (CMG-FS) kay Hou Pengcheng, Pangkalahatang Kalihim ng Beijing Sports Federation, sinabi niyang ang paggawa at pagpapalipad ng saranggola ay isa sa mga pinakamahalagang punto ng tradisyonal na kultura ng Tsina.
Si Hou Pengcheng
Layon aniya ng pestibal na magbigay ng plataporma tungo sa pagpapalakas ng pagpapalitan sa pagitan ng mga Tsino at kaibigang dayuhan sa larangan ng laro at palakasan, partikular sa pagbibigkis ng tradisyunal na sining Tsino at modernong isports.
“Sa taong ito, mayroong mahigit 20 koponan ang kalahok sa Beijing International Kite Festival. Ngayong araw at bukas ay magkakaroon ng 5 kategorya ng laro sa pagpapalipad ng saranggola. Inaanyayahan namin ang lahat na dumalo at sumali,” saad pa ni Hou.
Ang importansiya ng paggawa at pagpapalipad ng saranggola sa kultura at lipunang Tsino ay may malaking pagkakahalintulad sa Pilipinas.
Tungkol dito, sinabi ni Hou na “ito ay tradisyonal na aktibidad na may-kaugnayan sa mabuting pamumuhay, malusog na pangangatawan at mainam na kinabukasan.”
Dagdag pa riyan, ito aniya ay nagbibigay ng positibong plataporma para sa pagpapalitang pampalakasan sa pagitan ng mga Tsino at kaibigang dayuhan at tiyak na magpapalakas ng kooperasyon ng Tsina at ibat-ibang bansa.
Samantala, ayon naman ni Olivia, isang estudyante ng kursong Foreign Diplomacy sa Beijing Foreign Studies University, na ang pagpapalipad ng saranggola ay isang popular na aktibidad sa Beijing at lunsod Weifang sa lalawigang Shandong, dakong silangan ng Tsina.
Si Olivia
Ito aniya ay mainam na laro at mahalagang instrumento sa pagsusulong ng pagpapalitang pampalakasan sa ibang mga bansa.
“Sa tingin ko, sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, maitatatag ang mabuting plataporma upang maibahagi ang kulturang Tsino sa mga kaibigang dayuhan, at mapagbuti ang kooperasyon at pagtutulungan sa pagitan ng mga Tsino at mga dayuhang mamamayan,” dagdag niya.
Ang 2021 Beijing International Kite Festival at Beijing-Tianjin-Hebei Kite Exchange ay tatagal hanggang bukas, Setyembre 29, 2021.
Ito ay isang taunang aktibidad kung saan dumadalo ang ibat-ibang dalubhasa sa paggawa at pagpapalipad ng saranggola, tagapagpamana ng intangible na kultura ng Tsina mula sa loob at labas ng bansa, dayuhang mag-aaral sa Tsina, mga dayuhan at lokal na media ng Tsina, apisyonado ng pagpapalipad ng saranggola at marami pang iba.
Para matunghayan ang mas maraming detalye, panoorin ang video sa itaas at mga larawang kalakip ng artikulong ito.
Artikulo/Video: Rhio Zablan
Web-edit: Jade/Sarah
Larawan: Rhio