Pagpapasulong ng pantay na pagbabahaginan, ipinanawagan ng mga lider ng mga bansa

2021-10-31 13:06:12  CMG
Share with:

Sa Group of 20 (G20) Leaders' Summit na binuksan nitong Sabado, Oktubre 30, 2021, ipinanawagan ng mga kalahok na lider sa komunidad ng daigdig na palakasin ang kooperasyon sa mga aspektong gaya ng pagharap sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) at pantay na pagbabahagi ng mga bakuna.

Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, hinimok ni Punong Ministro Mario Draghi ng Italya, kasalukuyang bansang tagapangulo ng G20, ang iba’t-ibang bansa na pasulungin ang kooperasyon upang ipagkaloob ang mga bakuna sa mga umuunlad na bansa at itatag ang pantay na pamamahagi ng bakuna sa buong mundo.

Diin pa niya, ang multilateralismo ay pinakamabuting porma sa pagharap sa kasalukuyang mga hamon sa daigdig.

Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya,  na kailangang lutasin ang isyu ng pagkilala sa mga bakuna at sertipikasyon  ng bakuna.

Aniya, dahil sa proteksyonismo at di-pantay na kompetisyong ginagawa ng ilang bansa, at kakulangan sa pagkilala sa mga bakuna, hindi nakakakuha ng bakuna ang ilang bansang may pangangailangan.

Ipinahayag ni Punong Ministro Boris Johnson ng Britanya na ang pangunahing misyon ng G20 ay pasulungin ang mabilis at pantay na pagbabahagi ng mga bakuna sa buong mundo.

Binuksan sa Rome nitong Sabado ang nasabing 2 araw na summit kung saan tatalakayin ang mahahalagang temang kinabibilagan ng pagharap sa COVID-19, pagpapasulong sa pagbangon ng kababuhayan, at pagharap sa pagbabago ng klima.


Salin: Lito
Pulido: Rhio

Please select the login method