Sinabi kahapon, Nobyembre 5, 2021, sa Shanghai, ni Pangalawang Pangulong Wang Qishan ng Tsina, na patuloy ang kanyang bansa sa pagpapasulong ng pagbubukas sa labas sa mataas na antas, paglikha ng pamilihang may pantay na kompetisyon, at pagbabahagi sa daigdig ng mga pagkakataong dulot ng pag-unlad.
Winika ito ni Wang sa mataas na porum kaugnay ng ika-20 anibersaryo ng pagsapi ng Tsina sa World Trade Organization (WTO), na idinaos sa panahon ng ginaganap na Ika-4 na China International Import Expo (CIIE).
Sinabi rin ni Wang, na buong tatag na itataguyod ng Tsina ang multilateral na sistemang pangkalakalan, pasusulungin ang reporma sa WTO sa tumpak na direksyon, at susuportahan ang pagganap ng WTO ng mas positibong papel sa pandaigdigang pamamahala sa kabuhayan.
Palalamin din ng Tsina ang rehiyonal at bilateral na kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas maraming kasunduan sa malayang kalakalan na mataas ang pamantayan.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos