Pangulong Tsino, dumalo at nagtalumpati sa Ika-8 FOCAC ministerial conference

2021-11-29 21:39:08  CMG
Share with:

Pangulong Tsino, dumalo at nagtalumpati sa Ika-8 FOCAC ministerial conference_fororder_20211129AprikaChina600

Sa pamamagitan ng video link, dumalo at bumigkas ng talumpati Lunes ng gabi, Nobyembre 29, 2021 sa Beijing si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-8 Pulong na Ministeriyal ng Porum na Pangkooperasyon ng Tsina at Aprika o Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC).

Tinukoy ni Xi na ngayong taon ay ika-65 anibersaryo ng pagsisimula ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Aprika. Nitong 65 taong nakalipas, naitatag aniya ng kapwa panig ang napakatibay na damdamin ng magkapatid, bagay na nagiging modelo ng pagtatatag ng bagong relasyong pandaigdig.

Ngayong taon din ay ika-50 anibersaryo ng pagpapanumbalik ng lehitimong luklukan ng Tsina sa United Nations (UN). Ipinaabot ni Pangulong Xi ang taos-pusong pasasalamat sa malawak na masa ng mga kaibigang Aprikanong sumuporta sa Tsina sa pagbalik sa UN. Hindi makakalimutan ng Tsina ang malalim na damdamin at pagkakaibigan mula sa mga bansang Aprikano, ani Xi.

Kaugnay ng pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng Tsina at Aprika sa bagong siglo, iniharap ni Xi ang apat na mungkahing kinabibilangan ng: una, dapat igiit ang pagkakaisa sa pakikibaka laban sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19); ikalawa, dapat palalimin ang pragmatikong kooperasyon; ikatlo, dapat pasulungin ang luntiang pag-unlad; ikaapat, dapat pangalagaan ang pagkakapantay-pantay at katarungan.

Bukod pa riyan, ipinatalastas ni Xi na ipagkakaloob pa ng Tsina ang 1 bilyong dosis na bakuna sa Aprika. Kabilang dito, 600 milyong dosis ay walang bayad, at 400 milyon dosis naman ay magkasanib na ipoprodyus ng kompanyang Tsino at kaukulang bansang Aprikano. Tutulungan din ng Tsina ang mga bansang Aprikano sa pagsasagawa ng 10 proyektong medikal at pangkalusugan, at ipapadala ang 1,500 tauhan at ekspertong medikal sa Aprika.

Pananalig ni Pangulong Xi na sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng Tsina at Aprika, tiyak na magtatagumpay ang nasabing porum at mapapasulong pa ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng Tsina at Aprika sa mataas na label.


Salin: Lito
Pulido: Mac

Please select the login method