Isang online media forum ang ginanap ngayong araw, Disyembre 8, 2021 upang talakayin ang “Democracy Summit” na isasagawa ng Amerika at mga kaalyado nito.
Pinuna ni Prof. Bobby Tuazon, Director for Policy Studies/Analyst ng Center for People Empowerment in Governance, ang kredibilidad ng Amerika sa pagsasagawa ng naturang summit gayong ang bansa ay isa namang plutocracy na pinatatakbo ng mayayaman at makapangyarihan. Ibinahagi rin niya ang lumalawig na pandaigdigang pananaw kaugnay sa pagkabigo ng liberal democracy ng Amerika. Aniya, ano ba ang kahulugan ng demokrasya kaugnay ng karapatang pantao ng mga mamamayan at lagay ng kabuhayan sa Amerika? Kasalukuyang kinakikitaan ng laganap na diskriminasyon sa lahi at nasasadlak sa economic depression ang naturang bansa. Sa kaniya pang pakiwari, ang summit ay isang heopolitikal na hakbang kontra sa Tsina at Rusya na nagbabadya ng bagong cold war.
Ayon naman kay Prof. Aaron Jed Rabena, Program Convenor ng Asia-Pacific Pathways to Progress at Associate Fellow ng Philippine Council for Foreign Relations, isinasagawa na ng Amerika ang mga hakbang para kumalas sa interdependent economies ng dalawang bansa. Para mapanatili ang posisyon sa rehiyon, nililikha rin nito ang mga alyansa gaya ng AUKUS sa pagitan ng Australia, United Kingdom at Amerika. Nariyan din ang QUAD na kinabibilanagan ng Amerika, India, Japan at Australia. Dapat ding unawain na ideologically divergent ng Amerika at Tsina. At magkaiba ang kanilang pananaw kaugnay sa mga isyu, tulad ng kahulugan ng karapatang pantao. Ang isa ay nakatuon sa kalayaang pulitikal samantalang ang isa naman ay nakatuon sa pagkakaroon ng matiwasay na pamumuhay.
Sa pananaw ni Prof. Anna Malindog-Uy, Professor of Political Science & International Relations at Analyst ng ASEAN Post & Philippine-BRICS Strategic Studies, ang Democratic Summit ay para sa sariling estratehikong interes ng Amerika. Hindi malinaw ang batayan nito sa pag-anyaya ng mga bansang kalahok. Puna niya, ang istilo ng demokrasya ng Amerika ay hindi angkop para sa lahat ng mga bansa. Dapat iginagalang aniya ang konteksto, sariling kalagayan, kultura at tradisyon ng isang bansa at huwag igiit ang modelong Amerikano.
Ayon pa kay Prof. Tuazon, mahihirapan ang susunod na lider ng Pilipinas sa gitna ng tumitinding bangayan ng Amerika at Tsina dahil ipit ang Pilipinas sa mga tratadong militar nito sa Amerika.
Hangad ni Prof. Uy na bigyang priyoridad ng susunod na administrasyon ang pambansang interes ng Pilipinas at ang interes nito bilang kasapi ng ASEAN. Ipatupad nawa ng bagong pamahalaan ang makatotohanang independent foreign policy na mapagkaibigan sa lahat ng mga bansa sa buong mundo. Panahon na aniya para sa isang multipolar world.
Bilang pagtatapos, ipinalalagay ni Prof. Rabena na kailangan malalim na maunawaaan ng Tsina’t Amerika ang isa’t-isa at mahanap ang pagkakasundo sa pagitan ng liberal democracy ng Amerika at sosyalismong may katangiang Tsino. Dahil para sa maraming mga bansa, kabilang ang Pilipinas, mananatiling malaking pagsubok ang pagharap sa alitan sa pagitan ng naturang dalawang bansa.
Ulat: Machelle Ramos
Patnugot sa nilalaman: Jade/Mac
Patnugot sa website: Jade