Pormal na sinimulang gumawa ng niyebe, kagabi, Disyembre 12, 2021 sa Shougang Big Air, isang istadiyum sa distrito ng Shijingshan, Beijing, kung saan idaraos ang paligsahan ng “Big Air” sa panahon ng 2022 Beijing Winter Olympics.
Dahil mataas ang temperatura ng kalunsuran ng Beijing tuwing araw, kailangang isagawa ang pagpapaniyebe sa gabi o madaling araw para maabot ang istandard ng Olympiyada.
Ayon sa pagtaya, aabot sa 11.5 libong metro kubiko ang kabuuang bolyum ng gagawing niyebe, at matatapos ang buong proseso sa Enero 20, 2022.
Matatandaang noong Enero 2020, natapos ang konstruksyon ng Shougang Big Air na binubuo ng karerahan, tore ng reperi, at lugar para sa mga atleta at manonood.
Kung titingan mula sa malayo, ito ay parang kristal na sapatos sa Cinderella.
Pagkatapos ng 2022 Winter Olympics, ang Shougang Big Air ay magiging kauna-unahang permanenteng istadiyum ng larong Big Air kung saan gaganapin ang mga lokal at internasyonal na mga paligsahan.
Bukod diyan, ito rin ay magsisilbi bilang sentro ng pagsasanay ng mga propesyonal na atleta at grupo, at magiging theme park na bukas sa publiko.
Salin: Sissi
Pulido: Rhio