Napakalaking bentahe ng pulitika at pagkakataon, nakikita sa komprehensibong pragmatikong kooperasyong Sino-Ruso — Xi Jinping

2021-12-15 21:34:23  CMG
Share with:

Napakalaking bentahe ng pulitika at pagkakataon, nakikita sa komprehensibong pragmatikong kooperasyong Sino-Ruso — Xi Jinping_fororder_20211215XiPutin650

Sa pamamagitan ng video link, nag-usap Miyerkules ng hapon, Disyembre 15, 2021 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Vladimir Putin ng Rusya.

Sinabi ni Pangulong Xi na ang komprehensibong pragmatikong kooperasyong Sino-Ruso ay nagpapahiwatig ng napakalaking bentahe ng pulitika at pagkakataon. Noong unang 3 kuwarter ng kasalukuyang taon, lumampas aniya sa kauna-unahang pagkakataon, sa 10 bilyong dolyares ang halaga ng bilateral na kalakalan ng kapwa bansa, at may pag-asang makakalikha ito ng bagong rekord sa taong ito.

Bukod dito, aktibong ipinakikita aniya ng kapwa bansa ang responsibilidad bilang malalaking bansa, nakiki-isa sa komunidad ng daigdig sa pakikibaka laban sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), nagsasabi ng tumpak na nilalaman ng demokrasya at karapatang pantao na nagsisilbing sandigan ng pagpapatupad ng tunay na multilateralismo at pangangalaga sa pagkakapantay-pantay at katarungan sa buong daigdig.

Sinabi ni Xi na sa kasalukuyang epekto ng pagbabago ng daigdig at pandemiya, ang daigdig ay nasa panahon ng pagbabago at kaligaligan. Nakakaranas aniya ang relasyong Sino-Ruso sa iba’t-ibang uri ng pagsubok na nagpapakita ng bagong kasiglahan.

Kaugnay ng gaganaping Beijing Winter Olympics, ipinaabot ni Xi ang inaasahan niyang pagkikita nila ni Putin sa Olimpiyada. Nakahanda siyang magsikap kasama ni Putin para magkasamang pasimulan ang bagong yugto ng relasyong Sino-Ruso sa post pandemic era.

Ipinahayag naman ni Putin na sa pandaigdigang kooperasyong pampalakasan, lagi’t laging nagtutulungan sa isa’t-isa ang Rusya at Tsina na kinabibilangan ng pagtutol sa anumang tangkang isapulitika ang palakasan at Olympic Games.

Lubos siyang naniniwalang may ganap na kakayahan ang panig Tsino sa pagtataguyod ng isang pinakamabuti at pinakamakulay na Winter Olympics, diin pa niya.


Salin: Lito
Pulido: Mac

Please select the login method