Sa kanyang pakikipag-usap nitong Agosto 25, 2021 kay Pangulong Vladimir Putin ng Rusya, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na masalimuot pa rin ang tunguhin ng pandaigdigang misyon ng paglaban sa pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Dahil dito, binigyang-diin niyang nakahanda ang panig Tsino na palalimin ang pakikipagkooperasyon sa panig Ruso sa larangan ng pagsubok-yari at pagpoprodyus ng mga bakuna para maigarantiya ang kaligtasan at katatagan ng global supply chains ng bakuna sa buong daigdig, at makapagbigay ng ambag para sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kalusugan ng sangkatauhan.
Ipinagdiinan pa ni Xi na bilang komprehensibo’t estratehikong magka-partner sa bagong siglo, dapat palalimin ng Tsina at Rusya ang kooperasyon upang tutulan ang walang katuwirang pakiki-alam ng ilang kanluraning bansa sa mga panloob ng usapin ng Tsina at Rusya.
Ito aniya ay upang matibay na mapasakamay ang tunguhin ng kinabukasan at maitayo ang mabuting kapalaran ng dalawang bansa.
Sa isyu naman ng Afghanistan, ipinagdiinan ng pangulong Tsino, na iginagalang ng Tsina ang soberanya, pagsasarili, at kabuuan ng teritoryo ng Afghanistan; iginigiit ang patakaran ng di-panghihimasok sa suliraning panloob ng nasabing bansa; at palagiang gumaganap ng konstruktibong papel tungo sa paglutas sa naturang usapin sa paraang pulitikal.
Sakabilang banda, ipinahayag naman ni Putin na ipinakikita ng kasalukuyang mga pangyayari sa Afghanistan ang pagkabigo ng mga dayuhang bansa kaugnay ng puwersahang pagpipilit ng kanilang modelo ng pulitika sa iba.
Ito aniya ay nagdudulot ng kapinsalaan at kapahamakan.
Magkapareho ang posisyon at komong pagkabahala ng Rusya at Tsina sa isyu ng Afghanistan, dagdag ni Putin.
Kaugnay nito, ipinahayag ng kapuwa panig na kasalukuyang nagbabago ang masalimuot na situwasyong panrehiyon at pandaigdig, kaya naman, napakahalaga at lubos na kinakailangan, na panatilihin ng Tsina at Rusya ang pagsasanggunian sa mahahalagang bilateral at multilateral na isyu.
Sinang-ayunan din ng kapuwa panig na nararapat ipagpatuloy malalim na pag-uugnayan sa iba’t-ibang porma.
Salin: Lito
Pulido: Rhio