CMG Komentaryo: Sino ba ang tunay na sumisira sa demokrasya ng Hong Kong?

2021-12-21 16:03:42  CMG
Share with:

Sa umano’y “magkakasanib na pahayag” ng Five Eyes Alliance na binubuo ng Amerika, Britanya, Kanada, Australia at New Zealand, binatikos nila ang katatapos na seventh-term Legislative Council (LegCo) election ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) at sinabing ang halalang ito ay nagpapahina ng karapatan, kalayaan at sariling awtonomiya ng Hong Kong.

Ang pagpapalabas ng alyansang ito ng naturang di-napapanahon at may masamang intensyong pahayag ay nagpapakita ng galit na dala ng kanilang pagkabigo. Katunayan din itong ang iilang bansang Kanluraning tulad ng Amerika at Britanya ay tunay na puwersang panlabas na nakakasira sa pag-unlad ng demokrasya ng Hong Kong.

Sa katuwiran ng umano’y “demokrasya” at “karapatang pantao,” muling ginamit ng nasabing pahayag ang panglilinlang upang dungisan at atakehin ang sistemang elektoral ng Hong Kong.

Ang naturang halalang lehislatibo ng Hong Kong ay unang halalan makaraang mapabuti ang sistemang elektoral ng Hong Kong.

Sa regulasyon ng halalan, dinagdagan ang bilang ng luklukan, at muling isinaayos ang porma ng pagbabahaginan ng mga luklukan. Layon nitong aktuwal na pangalagaan ang pangkalahatang kapakanan ng lipunan ng Hong Kong at kapakanan ng iba’t-ibang sirkulo at lebel sa lipunan nito.

Sa proseso ng halalan naman, lubos na ipinakita ng halalang ito ang malawak na representasyon, inklusibidad na pulitikal, balanseng paglahok, at pantay na kompetisyon.

Sa pagpapatupad ng prinsipyong “pangangasiwa ng mga bayani sa Hong Kong,” makatuwiran ang kawalang-kuwalipikasyon ng mga nakikipagsabwatan sa mga dayuhang puwersang kontra-Tsina, nakakasira sa katatagang pang-estado, at may kagagawan sa paglikha ng mga karahasan sa Hong Kong.

Ang mas nakakatawa ay hinihiling muli ng nasabing pahayag sa panig Tsino na tupdin ang “Magkasanib na Pahayag ng Tsina at Britanya.”

Kaugnay nito, ipinalabas nitong Lunes, Disyembre 20, 2021 ng Tanggapan ng Impormasyon ng Konseho ng Estado ng Tsina ang white paper na pinamagatang “Hong Kong: Democratic Progress Under the Framework of One Country, Two Systems” kung saan malinaw na tumutukoy na layon ng naturang magkasanib na pahayag na lutasin ang isyu ng pagsasauli ng Britanya ng Hong Kong sa Tsina, sa halip na tiyakin kung anong sistemang pultikal ang dapat isagawa ng Hong Kong makaraan itong bumalik sa inangbayan.

Sa katunayan, kung pag-uusapan ang demokrasya at karapatang pantao, dapat pagsisihan ng Five Eyes Alliance ang kani-kanilang sariling problemang gaya ng pagkabigo sa paglaban sa pandemiya ng COVID-19, political polarization, at diskriminasyong panlahi.

Ang iilang bansang Kanluraning nagsasabi umanong “igalang ang karapatang pantao at kalayaan ng Hong Kong,” ay tunay na humahadlang at sumisira sa pag-unlad ng demokrasya ng Hong Kong.


Salin: Lito
Pulido: Mac

Please select the login method