G7 hindi dapat manghimasok sa mga suliraning panloob ng Tsina

2021-12-14 10:20:52  CMG
Share with:

Ipinahayag ng Tsina ang mariing pagtutol sa pakikialam ng mga bansa ng Group of Seven (G7) sa mga suliraning panloob ng bansa. Hiniling din Tsina sa mga bansa na itigil ang pagdungis sa imahe nito at ang tangkang paghiwalayin ang mga bansa sa mundo.

 

Winika ito ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon, Lunes, Disyembre 13, 2021 bilang reaksyon sa isang pahayag na inilabas kamakailan ng G7 hinggil sa mga patakarang panloob ng Tsina.

 

G7 hindi dapat manghimasok sa mga suliraning panloob ng Tsina_fororder_293d45b9e68749ac97e5727a98ecc73e

Si Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina 

 

Ayon sa magkasanib na pahayag na inilabas nitong Linggo, Disyembre 12, 2021 ng G7 Foreign and Development Ministers' Meeting na ginanap sa Liverpool, Britanya, tinalakay ng mga kalahok na ministro ang hinggil sa mga problema at hamon na may kinalaman sa isyu ng  Xinjiang, Tibet, Hong Kong, at kalagayan sa East China Sea, South China Sea at Taiwan Strait.

 

Hiniling ni Wang sa naturang mga bansa na pangalagaan ang karapatan sa buhay at kalusugan ng sariling mga mamamayan at maayos na tugunan ang COVID-19 para maiwasan ang pagkamatay ng mas maraming mamamayan.

 

Ani Wang, ipinagmamalaki ng Estados Unidos at Britanya ang napakalagong kabuhayan at napakasulong na teknolohiyang medikal. Sa kabila ng maliit na populasyon at nasa 5 porsyentong bahagdan lang ng daigdig, nasa 23 porsyento at 18 porsyento ang bahagdan ng kanilang pagkahawa at pagkamatay ng COVID-19 sa daigdig ayon sa pagkakasunod.

 

Nanawagan din ang tagapagsalitang Tsino sa nabanggit na mga bansa na huwag magbitiw ng mababaw na pananalita hinggil sa demokrasya at karapatang pantao. Sa halip, kailangan aniya silang makiisa sa iba pang mga bansa para magkakasamang maharap ang mga pandaigdig na hamon at problema ng sangkatauhan.

 

Salin: Jade

Pulido: Mac 

Please select the login method