Dahil sa unti-unting pagbuti ng situwasyon ng pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), napipinto ang muling pagbubukas ng turismo ng Pilipinas sa mga biyahero, partikular sa mga turistang Tsino.
Kaugnay nito, sa suporta ng Philippine Department of Tourism - Beijing (PDoT-Beijing), Konsulada Heneral ng Pilipinas sa Chongqing, Philippine Airlines (PAL), at Cebu Pacific Air, matagumpay na inilunsad kamakailan ng ADJ Happy Travel Incorporated ang promosyonal na komperensya hinggil sa "Trilippines APP” sa lunsod Chengdu, gawing timogkanluran ng Tsina.
Ang Trilippines App ay isang one-stop business-to-business (B2B) procurement platform na nakatuon sa pagbibigay ng impormasyong pandestinasyon, at nagbabahagi ng komprehensibong listahan ng mga flight, akomodasyon, day tour at domestikong transportasyon.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Tourism Attache Erwin F. Balane ng PDoT-Beijing ang pagkilala at kahandaan ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas upang suportahan ang pagtatayo ng Trilippines App.
Aniya, ito ay isang one-stop online na plataporma para sa mga produkto at serbisyong panturismo ng Pilipinas.
Tourism Attache Erwin F. Balane ng PDoT-Beijing
Ani Balane, ang Tsina ay isang mahalagang pinagmumulan ng mga turista ng Pilipinas at sa pamamagitan ng nasabing App, direktang maipapa-abot sa merkadong Tsino ang mga produktong panturismo ng Pilipinas.
Kahit mayroon pa ring mga restriksyon sa pagbibiyahe, mailalagay na ng merkado [ng Tsina] ang mga destinasyon sa kanilang “bucket list,” at mapipili ang mga package na pasok sa badyet na gusto nilang ma-enjoy, nang sa ganoon, sa sandaling magbukas muli ang Pilipinas sa pagbibyahe, mas madali na ang pagdedesisyon, payo ni Balane.
Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Flerida Ann Camille P. Mayo, Konsul Heneral ng Pilipinas sa lunsod Chongqing, na sa pamamagitan ng Trilippines App, lubusang nagagamit ng ADJ Happy Travel Incorporated ang kakayahan nito sa paghawak at pagkonekta ng mga produkto at serbisyong panturismo ng Pilipinas, sa mga pangangailangang panturismo sa Tsina.
Flerida Ann Camille P. Mayo, Konsul Heneral ng Pilipinas sa lunsod Chongqing
Diin niya, kapag ikinombina ang naturang App sa proseso ng matalino at ligtas na turismo, maipagkakaloob ang pinakamainam na karanasan sa mga biyaherong Tsino.
Samantala, ayon kay Leon Liu, Chief Executive Officer (CEO) ng ADJ Happy Travel Incorporated, ang Trilippines App ay sariling-debelop na dinamikong sistema ng paggawa ng iteneraryo sa biyahe o self-developed dynamic travel itinerary generation system, na magbibigay ng malaking tulong sa pagpaplano ng bakasyon sa Pilipinas ng mga turistang Tsino.
Leon Liu, Chief Executive Officer (CEO) ng ADJ Happy Travel Incorporated
Aniya, layon nitong pasimplehin ang iba’t-ibang aspekto ng mga pangangailangan sa biyahe na gaya ng pagkain, akomodasyon, transportasyon, pamamasyal, pamimili, at paglilibang.
Ang App aniya ay pwede ring ikostumisa, upang umakma ang pangangailangan at kagustuhan ng mga biyaherong Tsino sa mga kinauukulang alok at solusyon sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Liu, na makikita rin sa App ang maraming komprehensibo at may-kinalamang impormasyong makakatulong sa pagpapadali ng biyahe.
Matutulangan ng App na ito ang aming mga counterpart sa Tsina upang mapadali ang pagkuha ng mga direktang lokal na mapagkukunan o local resource para maresolba ang suliranin ng pagkakabaha-bahagi ng mga mapagkukunang ito, aniya pa.
Ang naturang promosyonal na komperensya ay may temang "Follow Trilippines. Know the Philippines."
Bago manalasa ang pandemiya ng COVID-19, ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng turista ng Pilipinas, na may kabuuang output na 1.75 milyong bisita.
Bukod dito, ang mga turistang Tsino rin ang may pinakamalaking kontribusyon sa foreign exchange sa pamamagitan ng USD$2.33 bilyong paggastang panturismo noong 2019.
Ulat: Rhio Zablan
Panugot sa teksto: Jade/Rhio
Panugot sa website: Jade/Sarah