Bilang tugon sa pagpaslang ng mga sibilyan sa Bucha, Ukraine, inihayag Miyerkules, Abril 6, 2022 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na dapat umayon sa katotohanan ang anumang akusasyon, at bago ilabas ang konklusyon ng imbestigasyon, dapat magtimpi ang iba’t-ibang panig, at iwasan ang walang batayang pagbatikos.
Ayon sa ulat, walang-habas na pinagpapaslang ang maraming sibilyan sa Bucha.
Inakusahan ng pamahalaan ng Ukraine ang mga sundalong Ruso bilang may-kagagawan.
Pinabulaanan naman ito ng Rusya at sinabing niluto lamang ng mga bansang kanluranin ang naturang akusasyon.
Kaugnay nito, sinabi ni Zhao na pinahahalagahan ng panig Tsino ang makataong kondisyon sa Ukraine, at pinag-uukulan ng pansin ang kapinsalaan sa mga sibilyan.
Diin niya, sinusuportahan ng panig Tsino ang lahat ng mga mungkahi at hakbanging makakatulong sa pagpapahupa ng makataong krisis sa nasabing bansa.
Nakahanda aniyang magsikap ang Tsina, kasama ng komunidad ng daigdig, para maiwasan ang lalo pang kapinsalaan sa mga sibilyan.
Salin: Vera
Pulido: Rhio