Idinaos nitong Martes, Abril 5, 2022 ang pulong ng UN Security Council hinggil sa kalagayan ng Ukraine.
Ipinanawagan dito ni Zhang Jun, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na kailangang magkaroon ng tigil-putukan ang Rusya at Ukraine sa lalong madaling panahon.
Ito aniya ay malakas na kahilingan ng komunidad ng daigdig.
Samantala, lagi aniyang iginigiit ng Tsina, na ang diyalogo at talastasan ay ang tanging landas tungo sa kapayapaan sa Ukraine.
Kinakatigan ng Tsina ang patuloy na pagsasagawa ng Rusya at Ukraine ng talastasang pangkapayapaan, dagdag ni Zhang.
Sinabi pa niyang lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang humanitarian na isyu sa Ukraine at ipinagkaloob ang mga makataong tulong sa bansa.
Diin niya, patuloy pang ipagkakaloob ng Tsina ang makataong tulong sa Ukraine at mga bansa sa paligid nito.
Tinukoy ni Zhang na ang naturang krisis ay nagdudulot ng malaking hamon sa labas ng rehiyon, kaya naman dapat pahigpitin ang pagkontrol at paghawak sa epekto ng krisis na ito.
Bukod dito, ipinahayag ni António Guterres, Pangkalahatang Kalihim ng UN, ang pagkabahala sa mga hamong dulot ng nasabing isyu na gaya ng makataong krisis, kakulangan sa pagkaing-butil at enerhiya.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio