Sa selebrasyon sa Pambansang Araw ng Teknolohiyang Nuklear nitong Sabado, Abril 9, 2022, ipinahayag ni Pangulong Seyed Ebrahim Raisi ng Iran na may karapatan ang kanyang bansa sa mapayapang paggamit ng enerhiyang nuklear.
Patuloy aniyang pag-aaralan ng Iran ang usaping ito kahit ano pa ang sabihin ng ibang mga bansa.
Sa nasabing selebrasyon, ipinalabas ng Iranian Atomic Energy Organization ang komprehensibo’t estratehikong dokumento tungkol sa pag-unlad ng industriyang nuklear ng Iran sa loob ng darating na 20 taon.
Matatandaang noong Hulyo ng 2015, narating ng Iran, Amerika, Britanya, Pransya, Rusya, Tsina at Alemanya ang komprehensibong kasunduan sa isyung nuklear ng Iran.
Ayon dito, ipinangako ng Iran na lilimitahan ang planong nuklear nito, at aalisin ng komunidad ng daigdig ang mga sangsyon laban sa bansa.
Ngunit noong Mayo ng 2018, unilateral na tumalikod ang Amerika sa nasabing kasunduan.
Pagkatapos nito’y pinanumbalik at dinagdagan ang mga sangsyon laban sa Iran.
Salin: Lito
Pulido: Rhio