Sa kasalukuyan, walang patid na umuunlad ang globalisasyong pangkabuhayan at integrasyong panrehiyon, nahaharap ang iba’t-ibang bansang Asyano sa napakalaking pagkakataon, pati na napakaraming mahigpit na hamon.
Dahil dito, kailangang palakasin ng mga bansang Asyano ang pakikipagkooperasyon sa iba pang mga lugar sa daigdig, at kailangan ding pahigpitin ng mga bansang Asyano ang kanilang pagpapalitan at pagtutulungan.
Kung paanong haharapin ang mga hamong dinulot ng globalisasyon sa mga bansa sa rehiyong ito, paano mapapanatili ang malusog na pag-unlad ng kabuhayan sa rehiyong ito, at paano mapapalakas ang kanilang pagkokoordinahan at pagtutulungan, ay nagsisilbing komong misyong magkakasanib na kinakaharap ng iba’t-ibang bansang Asyano.
Sa kalagayang ito, magkasamang itinaguyod noong taong 1998 sa Manila, Pilipinas nina dating Pangulong Fidel Valdez Ramos ng Pilipinas, dating Punong Ministro Bob Hawke ng Australia, at dating Punong Ministro Morihiro Hosokawa ng Hapon ang pagtatatag ng “Asian Forum” na katulad ng “World Economic Forum (WEF).”
Batay sa pandaigdigang katayuan, napakalaking potensyal ng merkado, at espesyal na likas na kapaligirang ekolohikal ng probinsyang Hainan, iminungkahi nilang italaga sa Bo’ao, probinsyang Hainan ng Tsina ang punong himpilan ng nasabing porum.
Ang mungkahing ito ay sinuportahan ng pamahalaang Tsino.
Makaraan ang napakalaking pagsisikap ng iba’t-ibang panig, pormal na naitatag ang Bo’ao Forum for Asia o BFA noong taong 2001. Noong Pebrero 27, 2001, nagtipun-tipon sa Bo’ao ang kinatawan ng 26 na bansang tagapagtaguyod kung saan idineklara nila ang pagtatatag ng BFA at pinagtibay ang “BFA Declaration.” Naging pangmalayuang punong himpilan ng BFA ang bayang Bo’ao, at regular na idinaraos doon ang taunang pulong bawat taon.
Ang Bo’ao Forum for Asia (BFA) ay isang di-opisyal at di kumikitang organisasyong pandaigdig na nakabase sa Tsina. Ngayon nasa 29 na ang bilang ng mga kasapi ng BFA.
Ang orihinal na layunin nito ay pasulungin ang integrasyong pangkabuhayan sa Asya. Ang kasalukuyan nitong misyon naman ay pagsasanib ng aktibong lakas para sa pag-unlad ng Asya at buong mundo.
Mula noong Abril 12 hanggang 13, 2002, idinaos ang unang taunang pulong ng BFA na dinaluhan ng mahigit 1,000 kinatawan. Ang tema nito ay “Bagong Siglo, Bagong Hamon, Bagong Asya: Kooperasyong Pangkabuhayan at Kaunlaran ng Asya.”
Kung babalik-tanawin ang mga tema ng nakaraang taunang pulong ng BFA, walang duda, ang salitang “Asya” ay madalas na lumilitaw, sa katunayan 20 sa mga ito. Ang kasunod ay salitang “kaunlaran” na ginamit ng 10 beses.
Ang kasaysayan ng pag-unlad ng BFA nitong 21 taong nakalipas, ay sumaksi sa napakabilis na pag-unlad ng mga bansang Asyano.
Idinaos noong Abril 20, 2021 ang seremonya ng pagbubukas ng taunang pulong ng BFA para sa 2021 na may temang “A World in Change: Join Hands to Strengthen Global Governance and Advance Belt and Road Cooperation.”
Sa pamamagitan ng video link, bumigkas si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng keynote speech.
Tinukoy ni Pangulong Xi na sapul nang maitatag ang BFA, sinaksihan nito ang di-ordinaryong landas na tinahak ng Tsina, Asya, at buong daigdig, at napapatingkad nito ang mahalagang impluwensiya at puwersang tagapagpasulong sa kaunlaran ng Asya at daigdig.
Sinabi niya na sa kasalukuyan, dahil sa magkasanib na paglitaw ng pagbabago ng kayariang pandaigdig at pandemya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) nitong isang daang taon, pumasok ang daigdig sa panahon ng pagbabago.
Ipinagdiinan ng pangulong Tsino na ang buong sangkatauhan ay dumanas ng isang siglong lipos ang hamon, pati na ang pag-asa. Saan dapat pumunta ang lipunan ng sangkatauhan? Anong kinabukasan ang dapat likahin ng sangkatauhan para sa susunod na henerasyon? Sa harap ng mga napakahalagang tanong, dapat isaalang-alang ang komong kapakanan ng buong sangkatauhan at gumawa ng matalinong pagpili batay sa responsableng atityud, aniya pa
Ipinahayag din ni Pangulong Xi na iminungkahi ng panig Tsino na dapat tugunan ng iba’t-ibang bansa sa Asya at buong daigdig ang panawagan ng siglo, magkakasamang labanan ang pandemiya ng COVID-19, at palakasin ang pamamahala sa buong mundo upang walang patid na sumulong tungo sa direksyon ng pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng sangkatauhan.
Bukod pa riyan, nakatakdang idaos sa Bo’ao ang taunang pulong ng BFA para sa 2022 mula Abril 20 hanggang 22 ng kasalukuyang taon.
Ang tema ng nasabing gaganaping taunang pulong ay “Pandemya at Daigdig: Magkakasamang Pasulungin ang Kaunlarang Pandaigdig, Itatag ang Komong Kinabukasan.”
Tatalakayin ng mga kalahok ang tungkol sa pag-unlad ng Asya at buong daigdig pagkatapos ng pandemiya, at itatampok ang luntiang kaunlaran, malikhaing kaunlaran, inklusibong kaunlaran, at kooperatibong kaunlaran upang mapasulong ang pandaigdigang pagkakaisa at pagtutulungan.
Salin: Lito
Pulido: Mac
Photo Courtesy: VCG