Sa “2021 Country Reports on Human Rights Practices” na ipinalabas Abril 12, 2022, ina-atake ng Amerika ang sistemang pulitikal at kalagayan ng karapatang pantao sa Tsina.
Kaugnay nito, ipinahayag Abril 13, 2022, ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang mga nilalaman ng nasabing dokumento hinggil sa Tsina, at kinauukulang pananalita ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, ay puro kasinungalingang pulitikal at puno ng bias na ideolohiya.
Mahigpit itong tinututulan ng Tsina, saad niya.
Ani Zhao, sa katuwiran ng umano’y “ulat sa karapatang pantao,” sinisiraang-puri ng Amerika ang Tsina, ina-atake ang ibang bansa at iba pang lugar sa daigdig.
Layon ng Amerika na itayo ang sariling imahe bilang “role model” sa karapatang pantao, pero ang nasabing hakbang ay lubos na nagpapakita ng mapagkunwari at double standard na ugali ng Amerika, diin ni Zhao.
Aniya pa, dapat agarang itigil ng Amerika ang paggamit sa isyu ng karapatang pantao upang siraan ang ibang bansa.
Sa halip, kailangan aniyang gawin ng Amerika ang mga bagay na makabuti sa sariling kalagayan ng karapatang pantao at malusog na pag-unlad ng usapin ng karapatang pantao ng buong daigdig.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio