Ipinalabas nitong Miyerkules, Abril 20, 2022 ng taunang komperensya ng Boao Forum for Asia (BFA) ang Asian Economic Outlook and Integration Progress Annual Report 2022.
Nakasaad sa naturang ulat ang anim na elementong nakakaapekto sa kabuhayan ng Asya sa taong 2022.
Kabilang dito ang pag-unlad ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), tensyong heopolitikal dahil sa sagupaan sa pagitan ng Rusya at Ukraine, pagsasaayos ng polisya ng pananalapi sa Estados Unidos at Europa, mga problemang kaugnay sa utang ng ilang ekonomiya, pandaigdig na suplay, at pagbabago ng rehimeng politikal sa ilang bansang Asyano.
Saad pa ng ulat, mananatiling nasa proseso ng pagbangon ang kabuhayang Asyano sa taong 2022, at posibleng maging katamtaman ang bahagdan ng paglaki nito.
Ang taung komperensya ng BFA 2022 na may temang "The World in COVID-19 & Beyond: Working Together for Global Development and Shared Future" ay idinaraos mula ika-20 hanggang ika-22 ng Abril, 2022, sa Boao, lalawigang Hainan sa dakong timog ng Tsina.
Sa seremonya ng pagbubukas ngayong umaga, Abril 21, bumigkas ng keynote speech si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sa pamamagitan ng video link.
Lumahok din sa seremonya ng pagbubukas si Pangulong Rodrigo Duterte, kasama ng iba pang mga puno ng estado at mga kinatawan mula sa mga organisasyong pandaigdig. Kabilang dito sina Punong Ministro Phankham Viphavanh ng Laos, Pangulong Isaac Herzog ng Israel, Pangulong Ukhnaa Khurelsukh ng Mongolia, Pangulong Bidya Devi Bhandari ng Nepal, Punong Ministro Alikhan Smailov ng Kazakhstan, at managing director Kristalina Georgieva ng International Monetary Fund (IMF).
Salin: Jade
Pulido: Rhio