Sa idinaraos na taunang pulong ng Boao Forum for Asia (BFA), sinabi ng mga opisyal at eksperto, na ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), kasama ng Hainan Free Trade Port (Hainan FTP), ay makakatulong sa pagbubukas at magdudulot ng malaking benepisyo sa buong rehiyong Asyano.
Kabilang dito, ipinahayag ni Shen Danyang, Direktor ng BFA at Executive Vice Governor ng lalawigang Hainan, na ang naturang dalawang mekanismo ng malayang kalakalan ay makakapagpasulong ng bilateral na kalakalan ng paninda at serbisyo, at kooperasyon sa pamumuhunan sa pagitan ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ipinalalagay naman ni Cui Weijie, Pangalawang Direktor ng Chinese Academy of International Trade and Economic Cooperation, na pasusulungin ng RCEP ang pagbuo ng mas bukas na merkado sa Asya, at palalakasin naman ng Hainan FTP ang institusyonal na pagbubukas ng Tsina. Ang dalawang ito aniya ay gaganap ng mahalagang papel sa pagpapasulong ng kooperasyong pangkabuhayan sa Asya, at magdudulot ng bagong sigla sa pagbangon at paglago ng kabuhayan sa rehiyong ito.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos