Pagpapalakas sa kooperasyong pandaigdig para harapin ang hamong kinakaharap ng multilateralismo, ipinanawagan ng pangkalahatang kalihim ng UN

2022-04-25 12:28:20  CMG
Share with:

Sa kanyang talumpati sa Pandaigdigang Araw ng Multilateralismo at Diplomasya para sa Kapayapaan nitong Linggo, Abril 24, 2022, sinabi ni Pangkalahatang Kalihim Antonio Guterres ng United Nations (UN), na unti-unting nasisira ang pangako ng komunidad ng daigdig sa pagsusulong ng multilateralismo, at nahaharap sa pinakamalaking presyur ang nukleong simulain ng multilateral na kooperasyon sapul nang itatag ang UN.

 

Saad niya, dapat magbuklud-buklod ang komunidad ng daigdig, para gawing panahon ng multilateralismo ang panahon ng krisis.

 

Dapat aniyang buong sikap na itatag ng komunidad ng daigdig ang mas konektibo at inklusibong multilateralismo.

 

Nanawagan din si Guterres sa mga pamahalaan at lider ng iba’t-ibang bansa na muling ipangako ang diyalogo at solusyong pandaigdig, dahil ito ang tanging sustenableng landas para sa kapayapaan.

 

Noong Disyembre 2018, inanunsyo ng Pangkalahatang Asambleya ng UN ang pagtatayo ng Pandaigdigang Araw ng Multilateralismo at Diplomasya para sa Kapayapaan.

 

Ginanap sa punong himpilan ng UN sa New York ang kauna-unahang selebrasyon ng nasabing okasyon noong Abril 24, 2019.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio