Sa seremonya ng pagbubukas ng taunang pulong ng Boao Forum for Asia (BFA) noong Abril 21, 2022, iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang Global Security Initiative. Ito ay nagsisilbing isang produktong pampubliko na ipinagkaloob ng Tsina para sa buong daigdig, bilang tugon sa pangangailangan ng iba’t ibang bansa at agos ng panahon sa kapayapaan, kaunlaran, kooperasyon at win-win situation.
Ang nasabing initiative ay kinabibilangan ng 6 na aspekto: paggigiit sa komon, komprehensibo, kooperatibo at sustenableng seguridad; paggigiit sa paggalang sa soberanya at kabuuan ng teritoryo ng iba’t ibang bansa; paggigiit sa mga simulain ng Karta ng United Nations (UN); paggigiit sa pagpapahalaga ng makatwirang pagkabahalang panseguridad ng iba’t ibang bansa; paggigiit sa pagresolba sa mga pagkakaiba at alitan ng mga bansa, sa pamamagitan ng diyalogo, negosasyon at mapayapang paraan; at paggigiit sa koordinadong pangangalaga sa seguridad sa kapuwa tradisyonal at di-tradisyonal na larangan.
Samantala, matatag na tumututol ang nasabing initiative sa unilateralismo, long arm jurisdiction at labis na sangsyon.
Sa madaling sabi, kung walang kapayapaan, wala ring kaunlaran. Ang isyu ng seguridad ay isyung pundamental na may kinalaman sa katatagan at kaunlaran ng anumang bansa. Nananatiling mapayapa ang Asya nitong ilang dekadang nakalipas. Pero sa kasalukuyan, kinakaharap din ng Asya ang hamon ng seguridad. Ang negatibong epekto na dulot ng sagupaan sa pagitan ng Rusya at Ukraine ay direktang nakakaapekto sa kabuhayan at lipunan ng mga bansang Asya na kinabibilangan ng Pilipinas.
Dahil dito, ang Global Security Initiative na iniharap ni Pangulo Xi ay mahalaga at napapanahon bilang tugon sa kasalukuyang masalimuot na kalagayang pandaigdig.
Sa BFA, ipinahayag din ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas na dapat pangalagaan ang seguridad at kapayapaan sa rehiyong ito at magkakasamang isakatuparan ang kaunlaran, kasaganaan at kalusugan ng mga mamamayan ng mga bansa sa rehiyong ito.
Ang pahayag na ito ay masasabing katugunan sa inisyatibo ni Xi.
Sa kasalukuyan, buong-sikap na pinasusulong ng Pilipinas ang pag-ahon ng kabuhayan pagkatapos ng epidemiya ng COVID-19. Ang industriya ng turismo ay maaaring gumanap ng mahalagang papel para rito.
Ipinahayag ni Pangulong Duterte na binuksan na ang Pilipinas para sa dayuhan at local na turista.
Ayon sa ulat na inilabas noong Abril 21, 2022 sa Ika-21 Global Summit ng World Travel and Tourism Council (WTTC), ang industriya ng turismo ay magiging mahalagang puwersa sa pagpapasulong ng pagbangon ng kabuhayang pandaigdig at pagkakaloob ng pagkakataon ng hanap-buhay pagkatapos ng epidemiya ng COVID-19.
Ayon pa sa ulat, ang industriya ng turismo ay maaaring magbigay ng halos 77 milyong karagdagang hanap-buhay sa rehiyong Asya-Pasipiko sa darating na 10 taon.
Pero kung magaganap ang mga sagupaan at marahas na insidente sa isang lugar, walang tao ang magnanais na maglakbay sa nasabing lugar. Ibig-sabihin, ang isyu ng seguridad ay paunang kondisyon sa pag-unlad ng industriya ng turismo.
Sa parehong kondisyon, ang isyu ng seguridad ay nakakaapekto nang malaki sa kalakalang panlabas at kooperasyong pandaigdig. Ipinahayag ni Pangulong Duterte na ang pagbangon ng kabuhayan ng mga bansa pagkatapos ng epidemiya ng COVID-19 ay nangangailangan ng pandaigdigang kooperasyon.
Ipinahayag naman ni Pangulong Xi na dapat pasulungin ang kooperasyong panrehiyon sa Asya. Sinabi niyang dapat samantalahin ng mga bansa ang plataporma ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) para maging mas malaki at bukas na pamilihan at win-win situation ang Asya.
Ang mga ito ay nangangailangan din ng isang ligtas na kapaligiran.
Palagiang iginigiit ng Tsina ang landas ng mapayapang pag-unlad. Noong nagdaang limang BFA, walag patid na ipinapahayag ni Pangulong Xi na dapat pahalagahan ang isyu ng seguridad.
Samantala, ang pangangalaga sa kapayapaan ay depende rin sa sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang bansa sa buong daigdig na kinabibilangan ng Tsina at Pilipinas.
Hindi lamang iniharap ng Tsina ang Global Security Initiative, kundi buong sikap na pinapasulong ang pagpapatupad nito. Kung magkakasamang magsisikap ang iba’t ibang bansa para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon, tiyak na maisasakatuparan ang kaunlaran at kasaganaan ng mga bansa pagkatapos ng epidemiya ng COVID-19.
Sulat: Ernest
Pulido: Mac/Jade