Pinagtibay nitong Huwebes, Mayo 26, 2022 ng United Nations Security Council (UNSC) ang Resolusyon bilang 2633, kung saan isang taong pananatilihin ang arms embargo at mga tinarget na sangsyon laban sa South Sudan hanggang sa Mayo 31, 2023.
Nag-abstain sa pagboto ang panig Tsino.
Kaugnay nito, ipinaliwanag sa UNSC ni Zhang Jun, Pirmihang Kinatawan ng Tsina sa UN, na kabilang sa lahat ng mga mekanismo ng sangsyon ng UNSC, pinakamalaki ang alitan hinggil sa sangsyon ng UNSC laban sa South Sudan, dahil ang South Sudan ay pinakabagong miyembro ng UN, mahina ang pundasyon nito dahil sa ilang dekadang digmaan at kaguluhan, kaya kinakailangan nito ang konstruktibong suporta ng komunidad ng daigdig, sa halip ng sangsyon.
Dagdag niya, palagi at malinaw na tinututulan ng African Union (AU) at Inter-Governmental Authority on Development (IGAD) ang pagpapataw ng UNSC ng sangsyon laban sa South Sudan.
Aniya, ang pagresolba sa isyu ng South Sudan, kung tutuusin, ay nakasalalay sa paraang pulitikal. Sa maraming kondisyon, hahadlangan ng mga sangsyon ang kakayahan ng pamahalaan ng South Sudan sa pangangalaga sa seguridad ng mga sibilyan.
Salin: Vera
Pulido: Mac