Pag-unawa ng Amerika sa daigdig, Tsina, at relasyong Sino-Amerikano, nakalihis — Wang Yi

2022-05-29 13:08:28  CRI
Share with:

Kaugnay ng talumpating pampatakarang inilahad kamakailan ni Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, kung saan sinabi niyang "idinudulot ng Tsina ang “pinakagrabe at pangmatagalang hamon” sa kaayusang pandaigdig, ipinahayag nitong Sabado, Mayo 28, 2022 ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng bansa, na ito ay nagpapahiwatig ng grabeng pagkakalihis ng pag-unawa ng Amerika sa daigdig, Tsina, at relasyong Sino-Amerikano.

 

Sinabi ni Wang na ang kasalukuyang daigdig ay hindi daigdig na sumusunod sa paglalarawan ng panig Amerikano.

 

Aniya, ang kasalukuyang pinakamahigpit na tungkulin ng komunidad ng daigdig ay magkakasamang pangangalaga sa buhay at kalusugan ng sangkatauhan, pagpapasulong ng pag-ahon ng kabuhayang pandaigdig, at pangangalaga sa kapayapaan at katahimikang pandaigdig.

 

Para rito, kailangang itayo ang konsepto ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng buong sangkatauhan, at ipatupad ang layunin at prinsipyo ng Karta ng United Nations (UN), dagdag ni Wang.

 

Sa katotohanan, ang Amerika aniya ang pinagmumulan ng gulo ng kasalukuyang kaayusan, at hadlang sa pagpapasulong ng demokrasya ng relasyong pandaigdig.

 

Sinabi pa niyang ang kasalukuyang Tsina ay hindi ang Tsinang nasa tantiya ng Amerika.

 

Ang pag-ahon ng Nasyong Tsino ay napakalaking progreso ng buong sangkatauhan sa halip ng banta at hamon sa daigdig, diin niya.

 

Ani Wang, ang nasabing pag-ahon ay nakadepende sa malakas na pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), pagkakaisa at pagpupunyagi ng mga mamamayang Tsino, at pagtahak sa sosyalistang landas na may katangiang Tsino.

 

Ang hangarin ng pag-unlad ng Tsina ay para aniya sa pagkakaloob ng mas mabuting pamumuhay sa mga mamamayan, at pagbibigay ng mas malaking ambag para sa daigdig, sa halip ng paghalili at paghamon sa sinuman.

 

Kaugnay ng relasyong Sino-Amerikano, sinabi ni Wang na ito ay hindi zero-sum game na idinesenyo ng panig Amerikano.

 

Ani Wang, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na may kaugnayan sa kinabukasan at kapalaran ng daigdig ang paraan ng paghawak ng Tsina at Amerika sa nasabing ugnayan, at ito ay tanong ng kasalukuyang siglo na dapat sagutin ng kapuwa panig.

 

Sa pagsagot ng panig Amerikano sa tanong na ito, sinabi ni Wang na dapat isiping hindi nararapat gawing layon ang pagkakamit ng hegemonya sa puso ng mga mamamayan, huwag isulong ang komprontasyon ng mga grupo, at ang pagkalas at pagputol ng suplay ay makakapinsala lamang sa sarili at sa iba.

 

Ipinagdiin pa ni Wang na hinding hindi yuyukod ang Tsina sa anumang banta, at buong tatag na ipagtatanggol ang soberanya, kaligtasan, at kapakanang pangkaunlaran ng bansa.

 

Ang anumang pag-atake at pagpigil ay lalo lamang mag-u-unipika at  mas magpapalakas sa mga mamamayang Tsino, diin pa niya.


Salin: Lito

Pulido: Rhio