Sa magkahiwalay na okasyon, nagkaroon kahapon, Hunyo 2, 2022, si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ng virtual meeting kina dating pangulong John Haglelgam at Kalihim Kandhi Elieisar ng mga Suliraning Panlabas ng Federated States of Micronesia, isang islang bansa sa Western Pacific.
Hinahangaan ng kapwa panig ang pag-unlad ng relasyon at kooperasyon ng Tsina at Micronesia, sapul nang itatag noong 1989 ang relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, lalung-lalo na pagkaraang itaas noong 2018 ang relasyong ito sa komprehensibo at estratehikong partnership na nakatuon sa mutuwal na paggalang at pag-unlad.
Ipinahayag din nila ang kahandaang palawakin ang kooperasyon ng dalawang bansa sa agrikultura, pangingisda, imprastruktura, kalakalan, pamumuhunan, turismo, at iba pa.
Tinukoy naman ni Wang, na isinasagawa na ng Tsina ang halos kalahating siglong pakikipagkooperasyon sa mga islang bansa sa Pasipiko. Hindi nito aniya naapektuhan at hindi rin maaapektuhan ang katiwasayan at katatagan sa rehiyong ito.
Ang layon ng Tsina ay pagpapaunlad ng kabuhayan at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan sa mga islang bansa sa Pasipiko, at walang intensyong magkaroon ng military presence sa rehiyong ito, dagdag ni Wang.
Editor: Liu Kai