Kinatagpo kahapon, Hunyo 3, 2022, sa Dili, kabisera ng Timor-Leste, si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, ni Punong Ministro Taur Matan Ruak ng Timor-Leste.
Sinabi ni Wang, na sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI), lumahok ang mga bahay-kalakal na Tsino sa konstruksyon ng isang power grid, isang haywey, at isang puwerto sa Timor-Leste. Pinabuti aniya ng mga ito ang imprastruktura at pamumuhay ng mga mamamayan ng bansang ito.
Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng Timor-Leste, na gawin ang ibang mga planong pangkooperasyon sa ilalim ng BRI, at itakda ang mga pangunahing aspekto ng kooperasyon.
Ipinahayag naman ni Ruak ang pag-asang sasamantalahin ang malawak na mga pagkakataong dulot ng pag-unlad ng Tsina, at pasusulungin ang bilateral na kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, pamumuhunan, imprastruktura, edukasyon, at turismo, para pabilisin ang pag-unlad ng Timor-Leste, at ihatid ang mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng bansa.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos