Nagtagpo kahapon, Hunyo 3, 2022, sa Port Moresby, kabisera ng Papua New Guinea, sina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Soroi Eoe, Ministro sa mga Suliraning Panlabas at Kalakalang Pandaigdig ng Papua New Guinea.
Sa magkasanib na preskon pagkaraan ng pagtatagpo, sinabi ni Wang, na nakahanda ang Tsina na magsikap kasama ng Papua New Guinea, para pasulungin ang kanilang relasyon sa mas mataas na antas.
Tinukoy din ni Wang, na sinusuportahan ng kapwa panig ang pagtatatag ng sonang walang sandatang nuklear sa South Pacific at nanawagan silang mag-ingat sa mga panganib ng pagpapalaganap ng sandatang nuklear sa rehiyong ito.
Sinabi naman ni Eoe, na hinahangaan ng Papua New Guinea ang pangako ng Tsina sa mutuwal na paggalang, pantay na pakikitungo sa isa’t isa, kooperasyong may mutuwal na pakinabang, at ang pilosopiya ng Tsina na hindi iwanan ang anumang bansa o tao sa landas ng pag-unlad.
Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Papua New Guinea na palakasin ang pag-uugnayan ng estratehiyang pangkaunlaran nito at Belt and Road Initiative, at pabilisin ang pag-aaral sa posibilidad ng pagbuo ng kasunduan sa malayang kalakalan ng dalawang bansa.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos