Mas malakas na relasyon at kooperasyon, inaasahan ng Tsina at Pilipinas

2022-06-09 19:44:30  CMG
Share with:

Lumahok kahapon, Hunyo 8, 2022 sina Pangulong Rodrigo Duterte; bagong halal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos; bagong halal na Pangalawang Pangulong Sara Duterte; dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo; Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas; at mga mataas na opisyal at senador ng Pilipinas sa online na aktibidad na itinaguyod ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII), bilang pagdiriwang sa Ika-124 na Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas, Ika-47 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Relasyong Diplomatiko ng Tsina at Pilipinas, at Ika-21 Araw ng Pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas.


 

Sa kanyang talumpati, nanawagan si Pangulong Duterte sa mga Pilipino, na isapuso ang lahat ng mga natutunan mula sa nakaraan, para maisakatuparan ang pananaw sa mas maharmonya at maunlad na Pilipinas.



Samantala, sinabi ni bagong halal na Pangulong Marcos, na ang pag-uugnayan at pagkakaibigan ng Pilipinas at Tsina sa loob ng ilang siglo ay nagdulot at patuloy na magdudulot ng mutuwal na pakinabang sa mga mamamayan ng kapuwa bansa.

Tumataas aniya sa bagong antas ang kooperatibong partnership ng dalawang bansa sa iba’t ibang aspektong gaya ng kalakalan, sining, kultura, palakasan, rehiyonal na kapayapaan at katatagan, mga pagkakataon sa hanapbuhay, tulong sa panahon ng pandemiya, at iba pa.

 

Umaasa si Marcos na kasabay ng pag-unlad ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Tsina, magiging mabunga rin ang pagpapalagayan, habang patuloy na tinatamasa ng dalawang bansa ang pagkakaibigang nabuo nitong mga taong nakalipas.

 


Samantala, sinabi ni bagong halal na Pangalawang Pangulong Sara Duterte, na mabunga ang kooperasyon ng Pilipinas at Tsina sa iba’t ibang aspekto, at ito ay nagbigay ng positibong ambag sa tuluy-tuloy na paglaki ng kabuhayang Pilipino, lalung-lalo na sa panahon ng pandemiya.

 

Umaasa siyang, patuloy pang lalalim ang kooperasyon ng dalawang bansa, tungo sa komong kasaganaan.


 

Ipinahayag naman ni dating Pangulong Arroyo, na sa administrasyon ni Pangulong Duterte, naging mas maaasahan, hinog, at komprehensibo ang relasyong Pilipino-Sino.

 

Nananalig aniya siya sa magandang prospek ng relasyong ito sa bagong administrasyon ng Pilipinas.

 


Sa kanya namang talumpati, ipinahayag ni Embahador Huang ang pagbati sa mga Pilipino para sa Araw ng Kasarinlan.

 

Sinabi niyang, sapul nang itatag ang relasyong diplomatiko ng Tsina at Pilipinas, naisakatuparan ang malaking pag-unlad, lalung-lalo na nitong 6 na taong nakalipas.

 

Sa pamumuno nina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Duterte, natamo aniya ng dalawang bansa ang napakaraming bunga sa iba’t ibang kooperasyon.

 

Sa pag-uusap sa telepono kamakailan, kapuwa ipinahayag nina Pangulong Xi at bagong halal na Pangulong Marcos, na ibayo pang palalakasin ang relasyong Sino-Pilipino, dagdag ni Huang.

 

Ito aniya ay pulitikal na determinasyon ng dalawang lider, at komong hangarin ng mga mamamayan ng dalawang bansa.

 

Ipinahayag pa ni Huang na handang makipagtulungan ang Tsina sa Pilipinas, upang likhain ang mas magandang kinabukasan ng relasyong Sino-Pilipino.


Editor: Liu Kai
Pulido: Rhio Zablan