Xi Jinping at Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., nag-usap; inaasahan mas magandang ugnayan ng dalawang bansa

2022-05-18 13:11:15  CMG
Share with:

 

Nag-usap sa telepono umaga ng Mayo 18, 2022 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., bagong halal na pangulo ng Pilipinas.

 

Tinukoy ni Xi na ang pagkakaibigan ng Tsina at Pilipinas ay angkop sa komong hangarin ng mga mamamayan ng dalawang bansa at ang kooperasyon ng dalawang bansa ay nakakabuti sa komong kapakanan ng dalawang panig.

 

Sinabi ni Xi na palaging pinahahalagahan ng Tsina ang relasyon nito sa Pilipinas. Nakahanda aniya ang Tsina na ibayo pang pasulungin, kasama ng Pilipinas, ang mga aktuwal na kooperasyon sa mga larangan na gaya ng imprastruktura, agrikultura, enerhiya, edukasyon, pagpuksa sa pandemya ng COVID-19 at pagbangon ng pambansang kabuhayan.

 

Sinabi pa ni Xi na patuloy na ipagkakaloob ng Tsina ang mga tulong at suporta sa pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Pilipinas. Ipinahayag ni Xi ang kanyang pag-asang patuloy na igigiit ng Pilipinas ang nagsasariling patakarang panlabas. Nakahanda aniya ang Tsina na pahigpitin, kasama ng Pilipinas, ang estratehikong pag-uugnayan at pagkokoordinahan sa mga mahalagang isyung panrehiyon at pandaigdig, para mapangalagaan ang mapayapang pag-unlad ng rehiyong ito.

 

Sinariwa naman ni Bongbong Marcos Jr. ang kanyang mapagkaibigang pagpapalagayan sa panig Tsino. Ipinahayag niyang ilalagay ng bagong pamahalaan ng Pilipinas ang relasyong Pilipino-Sino sa mahalagang direksyon ng patakarang panlabas ng bansa. Nakahanda aniya siyang palalimin, kasama ng panig Tsino, ang mga kooperasyon sa kabuhayan, kalakalan, imprastruktura, enerhiya, kultura at edukasyon. Sinabi pa niyang lipos ang kanyang pananalig sa mas magandang kinabukasan ng relasyon ng dalawang bansa sa hinaharap.

Salin: Ernest

Pulido: Mac