China-Philippines Friendship Park, pinasinayaan sa Maynila

2022-05-19 16:09:11  CMG
Share with:


Pinasinayaan Miyerkules, Mayo 18, 2022 sa Lunsod ng Maynila ang China-Philippines Friendship Park, isang pang pampublikong lugar na panlibangan para sa mga Manilenyo.


Ang parke ay binubuo ng dalawang platapormang pangmamasid o viewing platform na matatagpuan sa magkabilang dulo ng Binondo-Intramuros Bridge na nagbukas sa publiko nitong nagdaang Abril. 


Sa pamamagitan ng naturang mga plataporma, matatanaw ang kabigha-bighaning kagandahan ng Intramuros, Ilog Pasig at Binondo. 


Kasama ng Binondo-Intramuros Bridge, ang nasabing parke ay isa pang simbolo ng pagkakaibigang Sino-Pilipino. 


Ang katangi-tanging eskultura sa parke na may hugis na puso-sa-puso at hawak-kamay ay sumasagisag sa magkasamang pagharap ng Tsina’t Pilipinas sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at pagkakapit-bisig ng mga Tsino’t Pilipino para ibayo pang mapasulong ang pagkakaibigan at pagtutulungan ng dalawang bansa. 




Lumahok sa pasinaya sina Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas at Alkalde Isko Moreno Domagoso ng Maynila.


  

Ang parke ay itinatag sa pamamagitan ng donasyon ng mga samahan ng Filipino-Chinese community na kinabibilangan ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII), Filipino-Chinese Associations of the Philippines, Inc. (FFCAP), at Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (PCCCII). 


Salin/Patnugot: Jade 

Pulido: Rhio

Larawan: Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas/PNA