Sa pagtataguyod ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas at Association for Philippines-China Understanding, idinaos kahapon, Hunyo 10, 2022, sa Manila, ang seremonya ng paggagawad ng 2022 Awards for Promoting Philippines-China Understanding (APPCU).
Sa kanyang talumpati sa seremonya, ipinahayag ni bagong halal na Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. ang kahandaang buuin ang mas malalim at malakas na relasyong Pilipino-Sino.
Sinabi ni Marcos, na may mahigit isang libong taong kasaysayan ang pagkakaibigan ng Pilipinas at Tsina, at ang pagkakatatag ng relasyong diplomatiko noong 1975 ay muling pagtiyak sa pagkakaibigang ito. Kailangan aniyang palakasin ang relasyon ng Pilipinas at Tsina dahil sa pagiging napakahalaga nito, at umaasa siyang ibayo pang palalakasin ang relasyong ito, sa pamamagitan ng pagpapasulong ng pagpapalagayan sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Tinukoy ni Marcos, na sa post-pandemic era, kailangang pasulungin ang pagbangon at katatagan ng kabuhayan, at pagtagumpayan ang mga krisis na dulot ng COVID-19. Aniya, bilang matalik na kapitbansa at kaibigan, ang Tsina ay pinakamalakas na katuwang ng Pilipinas sa aspektong ito.
Binigyang-diin din ni Marcos ang pagpapatuloy ng nagsasariling patakarang panlabas, dahil ito aniya ay angkop sa pambansang kapakanan ng Pilipinas, at makakabuti rin sa Tsina at buong daigdig.
Sa kanya namang talumpati sa seremonya, sinabi ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na nitong anim na taong nakalipas, nakita ang mas matibay na relasyong Sino-Pilipino. Lipos aniya siya ng pananalig na magkakaroon ng bagong kabanata ang relasyong ito, at itataas din ito sa bagong antas.
Ginawaran ng 2022 Awards for Promoting Philippines-China Understanding ang 11 Pilipino na kinabibilangan nina dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada at yumaong embahador sa Tsina na si Jose Santiago Sta. Romana.
Editor: Liu Kai
Pulido: Mac Ramos