Kooperasyong Sino-Thai, isusulong

2022-07-06 16:37:47  CMG
Share with:

Hulyo 5, 2022, Bangkok, Thailand – Sa pakikipagtagpo ni  Prayuth Chan-ocha, Punong Ministro ng Thailand kay Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, sinabi ng punong ministrong Thai, na lubos na pinahahalagahan ng kanyang bansa ang Global Development Initiative (GDI) at Global Security Initiative (GSI) na iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.

 


Hanga rin aniya siya sa napakalaking bungang natamo ng Tsina sa paghulagpos ng karalitaan.

 

Pag-aaralan ng Thailand ang karanasan ng Tsina sa pagpapa-unlad ng bansa, at pasusulungin ang komprehensibong kooperasyon sa Tsina, dagdag niya.

 

Inihayag naman ni Wang Yi ang pagbati ng lider ng Tsina sa panig Thai.

 

Aniya pa, ikinalulugod ng Tsina ang aktibong pakikisangkot ng Thailand sa GDI, at nakahandang palakasin ng Tsina ang pagpapalitan ng dalawang bansa sa karanasan ng pamamahala.

 

Samantala, sinabi ni Prayuth na nakahandang magsikap ang Thailand, kasama ng Tsina, para isagawa ang kooperasyon ng tatlong panig sa pamamagitan ng China-Laos-Thailand Railway, para lubos na maisakatuparan ang potensyal ng transnasyonal na daambakal.

 

Bukod dito, nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang panig hinggil sa Di-pormal na Pulong ng mga Lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa taong ito.

 

Pinasalamatan ni Prayuth ang suporta ng Tsina sa pulong ito, at ipinahayag ang lubos na kompiyansa ng Thailand sa mabuting pagdaraos ng APEC.


 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio