Sa komprehensibo, malalim, at matapat na pag-uusap nitong Sabado, Hulyo 9 (local time), 2022 nina Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, at Antony Blinken, Kalihim ng Estado ng Amerika, tinalakay nila ang tungkol sa relasyong Sino-Amerikano at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan.
Ipinalalagay ng kapuwa panig na substansyal at konstruktibo ang kanilang pag-uusap na makakatulong sa pagpapalalim ng pag-uunawaan ng Tsina at Amerika.
Sinabi ni Wang na sa kasalukuyan, hindi pa nakakahulagpos mula sa kahirapan ang relasyong Sino-Amerikano at nahaharap din ito sa mas maraming hamon dahil sa mga patakaran ng nakaraang administrasyon ng Amerika.
Aniya, ang pundamental na sanhi ng kahirapang ito ay ang paglitaw ng grabeng problema sa pag-unawa ng panig Amerikano sa Tsina.
Ipinahayag ni Wang na para maisaayos ang relasyong Sino-Amerikano, dapat mataimtim na ipatupad ang mga narating na komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa.
Aniya, palagiang pinauunlad ng panig Tsino ang relasyon sa Amerika alinsunod na tatlong prinsipyong paggagalangan sa isa’t-isa, mapayapang pakikipamuhayan, at kooperasyon tungo sa win-win result na iniharap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.
Bilang tugon, dapat aniyang totoong isakatuparan ng panig Amerikano ang nagawang mahalagang pangako ni Pangulong Joe Biden.
Diin ni Wang, dapat igalang ng panig Amerikano ang pagpili ng mga mamamayang Tsino sa landas ng sosyalismong may katangiang Tsino, at itigil ang pagdungis at pag-atake sa sistemang pulitikal at patakarang panloob at panlabas ng Tsina, itakwil ang ideya ng “Cold War” at itigil ang pagpapasulong ng “coterie,” itigil ang pagbabaluktot sa patakarang “Isang Tsina” at paghadlang sa proseso ng mapayapang unipikasyon ng Tsina, igalang ang soberanya at kabuuan ng teritoryo ng Tsina at itigil ang panghihimasok sa mga suliraning panloob ng Tsina, at kanselahin ang karagdagang taripa sa Tsina at itigil ang isinasagawang unilateral na sangsyon sa mga bahay-kalakal na Tsino.
Komprehensibo ring inilahad ni Wang ang solemnang paninindigan ng panig Tsino sa isyu ng Taiwan.
Hiniling niya sa panig Amerikano na maging maingat sa pananalita at kilos nito, at huwag ilabas ang maling signal sa puwersang naninindigan sa “pagsasarili ng Taiwan.”
Pinabulaanan din ni Wang ang ilang maling opinyon ng panig Amerikano tungkol sa isyu ng Xinjiang, Hong Kong, at isyung pandagat.
Inilahad naman ni Blinken ang patakaran ng Amerika sa Tsina.
Ipinahayag niyang hindi hinahanap ng panig Amerikano ang paglulunsad ng “New Cold War” sa Tsina, hindi hinahanap ang pagbabago ng sistemang pulitikal ng Tsina, hindi hinahamon ang naghaharing katayuan ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), hindi kinakatigan ang “pagsasarili ng Taiwan,” at hindi hinahanap ang pagbabago ng status quo sa Taiwan Straits.
Nagsisikap ang panig Amerikano para kontrolin ang mga mapanganib na elemento sa bilateral na relasyong Amerikano-Sino, at nagiging bukas ang atityud nito sa pakikipagkooperasyon sa panig Tsino, ayon kay Blinken.
Bukod pa riyan, malalim na nagpalitan ng kuru-kuro ang kapuwa panig tungkol sa isyu ng Ukraine, kalagayan ng Korean Peninsula, at iba pang isyu.
Salin: Lito
Pulido: Rhio