Tsina, handang patuloy na makipagsanggunian sa Pilipinas tungkol sa kooperasyon sa imprastruktura

2022-07-17 19:48:53  CMG
Share with:

Isang pahayag ang inilabas ng Embahadang Tsino sa Pilipinas tungkol sa kooperasyong pampamahalaan ng dalawang bansa sa imprastruktura.


Narito ang nilalaman:


Nitong 6 na taong nakalipas, napalalim ng Tsina at Pilipinas ang sinerhiya sa pagitan ng Belt and Road Initiative (BRI) at Build, Build, Build, pambansang programa ng Pilipinas sa pagpapa-unlad.


Dahil dito, nakikita sa kooperasyon ang mabungang resulta at naibibigay sa kapuwa panig ang aktuwal na mga benepisyo.


Sa kasalukuyan, tapos na ang 17 proyekto, at isinasagawa ang mahigit 20 iba pa.


Nitong 2 taong nakalipas, dahil sa pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), apektado ang pagsasagawa ng ilang proyekto at lumabas ang mga problemang tulad ng hadlang sa site availability, pagpapaliban sa pagbili ng lugar na pagtatayuan ng proyekto, at paggalaw ng mga paninda.


Sa kabila ng ganitong kahirapan at hamon, magkasamang nagsisikap ang kapuwa panig para isulong ang mga proyekto, makamtan ang paborableng resulta, at magpokus sa pagtatayo ng imprastruktura, agrikultura, at iba pang larangan ayon sa anti-pandemic response at disaster relief.


Ang pag-uusap sa telepono nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Bongbong Marcos Jr. ng Pilipinas at mga high-level visit kamakailan ng kapuwa panig ay nakapagbigay-patnubay sa pagkakaibigang Sino-Pilipino sa bagong panahon.


Kasalukuyang nagpupunyagi ang pamahalaan ng dalawang bansa para ibayo pang mapasulong ang pagkakaibigan at pagtitiwalaan.


Tulad ng dati, nananatiling sustenable at matatag ang isinasagawang patakarang pangkaibigan ng Tsina sa Pilipinas.


Sa hinaharap, isusulong ng Tsina ang pakikipagkooperasyon sa Pilipinas sa mga larangang kinabibilangan ng agrikultura, imprastruktura, enerhiya, pagpapalitan ng mga tao, at iba pa.


Sa larangan ng imprastruktura, may komprehensibong kakayahan ang Tsina, at mayroong bantog na kalidad at episyensiya sa pagggawa.


Gagamitin ng Tsina ang kaukulang bentahe nito at susuportahan ang Pilipinas sa pagpapasulong ng konstruksyon ng imprastruktura sa bansa.


Kasalukuyang nagsasanggunian ang kapuwa panig tungkol sa isyung teknikal at nakamit na ang positibong progreso sa pagpapasulong ng mga proyekto.


Bukas ang atityud ng Tsina sa debatehang teknikal sa mga proyektong Government-to-Government (G-to-G) at nakahanda itong pasulungin at palalimin pa ang pakikipagkooperasyon sa bagong administrasyon ng Pilipinas.


Salin: Lito

Pulido: Rhio