Si National Security Adviser Clarita Carlos ay isa sa tatlong opisyal ng Pilipinas na nakipagtagpo kay Chinese Foreign Minister Wang Yi. Sa kanilang pag-uusap, natalakay ang pagsusulong ng apat na larangan ng kooperasyong kinabibilangan ng agrikultura, imprastruktura, enerhiya at pagpapalitan sa pagitan ng mga mamamayan.
Matatandaang dumalaw si Ministro Wang sa Pilipinas noong Hulyo 6, 2022 bilang bahagi ng kanyang opisyal na byahe sa mga bansang Timogsilangang Asya.
Sa panayam ng programang Pilipinas Muna sinabi ni Carlos na inilahad niya ideya ng low politics kay Wang. Aniya habang tinatalakay ang isyu ng karagatan, na kasalukuyang pinaghihidwaan ng Pilipinas at Tsina, dapat ay bigyang pansin din ang ibang bahagi ng ugnayan ng dalawang bansa na maaaring payabungin. Sa mga larangang ito, pwedeng itatag ang pagtitiwalaan, kumpiyansa at katapatan ng loob. Kapag naisagawa na ito, naniniwala si Carlos na makakatulong ang goodwill na nabuo sa low politics para mas mabuting talakayin ang sensitibo at masalimuot na problema ng relasyon ng dalawang bansa. Ang mga problema o isyu na ito ay napapaloob sa high politics, diin niya. Nagustuhan ni Wang ang ideyang inilahad ng unang babaeng NSA ng Pilipinas, na nanunungkulan din bilang Director General ng National Security Council. Sa kabuuan, inilarawan ni Carlos ang naging pulong kay Wang bilang“More than well, Excellent!”
Hinggil naman sa geopolitics na ngayon ay lumilikha ng tensyon sa mga superpowers habang pinalalawig ang impluwensya sa rehiyon, ibinahagi ni Carlos na gusto ni Wang na magkaroon ng maritime security at fishing rights cooperation ang Tsina at Pilipinas. Umaasa si Carlos na magkakaroon ng kooperasyon at komunikasyon sa mga usaping ito at muli niyang inulit ang kabutihang makukuha sa pagsusulong ng low politics.
Kaugnay ng people-to-people exchanges, sa pakikipag-usap kay Carlos, inanyayahan ni Wang ang mga estudyanteng Pilipino na samantalahin ang libu-libong scholarships para sa Masters at Ph.D na itinuturo sa mga pamantasan sa Tsina gamit ang wikang Ingles.
Bilang pagtatapos, inulit ni Carlos ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang Tsina ay isang kapitbansa at partner. Maraming beses nang binanggit ng bagong upong pangulo ang kagustuhang isulong ang pinahusay (enhanced) at nakakabuting (constructive) relasyon sa Tsina.
Ulat: Machelle Ramos
Patnugot sa nilalamn: Jade/Mac
Patnugot sa website: Jade
Larawan: Opisyal na website ng Ministring Panlabas ng Tsina
Prof. Anna Malindog-Uy: IPMDA hindi makabubuti sa rehiyong Asya-Pasipiko
Isyung kinakaharap ng administrasyong Marcos, tinalakay: ilang eksperto, naghayag ng mungkahi
Wang Yi at Clarita Carlos, nagtagpo: ugnayan sa kultura at pagpapalitang tao-sa-tao, palalakasin
Kontratang komersyal sa Davao River Bridge, nilagdaan ng Tsina’t Pilipinas
HARMONY: Philippine-China Friendship in Love Songs and Lullabies, itatanghal sa Hunyo 18