Kontratang komersyal sa Davao River Bridge, nilagdaan ng Tsina’t Pilipinas

2022-07-06 11:10:29  CMG
Share with:


Sa kanyang social media account, ipinahayag Hulyo 5, 2022, ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na pirmado na ng mga kompanyang Tsino at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kontrata tungkol sa “Consulting Services for the Conduct of Detailed Engineering Design and Construction Supervision” ng Davao River Bridge.

 

Sa lalong madaling panahon, inaasahan aniyang magsisimula ang pagsusuri, disenyo, at konstruksyon ng nasabing tulay na popondohan ng Tsina.

 

Ani Huang, makaraang lagdaan ang kontrata, isasagawa ng Consultant ang heoteknikal na imbestigasyon (geotechnical investigation), heodesikong pagsusuri (geodesic surveys), at pangangalap ng datos upang makumpleto ang detalyadong disenyong pang-inhinyero.

 

Ang pagsusuri at disenyo ay nakatakdang matapos sa loob ng anim na buwan, samantlang tatagal naman ng 24 buwan o dalawang taon ang construction supervision, dagdag pa ng embahador Tsino.

 

Ang Davao River Bridge na kilala rin bilang Bucana Bridge ay nasa Bucana District, Davao City.

 

Babagtas ang tulay sa silangan at kanlurang pampang ng Ilog Davao at mag-uugnay sa mga lansangan sa dalampasigan.

 

Ang tulay na may habang 1,340 metro ay magkakaroon ng dual two-lanes.

 

Kapag nakumpleto, mga 35,000 behikulo ang makakaraan sa tulay kada araw at mapapaluwag nito ang trapiko sa lunsod Davao.

 

Tinataya namang 300 hanggang 500 Dabawenyo ang makikinabang din bilang mga empleyado sa konstruksyon ng proyekto.




“Hangad kong makakapaglingkod ang Davao River Bridge sa pag-unlad ng kabuhayan at pamumuhay ng mga mamamayan sa lokalidad sa malapit na hinaharap, ” saad ni Huang.


Noong Disyembre 9, 2021, nilagdaan ng Pasuguan ng Tsina sa Pilipinas at DPWH ang kasunduan. Batay rito, $USD60 milyon ang ibibigay ng pamahalaang Tsino para sa proyekto.


Tulad ng Binondo-Intramuros Bridge at Estrella-Pantaleon Bridge sa National Capital Region, ang Davao River Bridge ay bahagi ng kooperasyong pampamahalaan o Governmet-to-Government (G2G) ng Tsina at Pilipinas, na may ayudang Tsino.

 

Salin/Patnugot: Jade

Pulido: Rhio