Pinagtibay nitong Hulyo 22, 2022 ng pamahalaan ng Hapon ang white paper hinggil sa depensa ng Hapon sa 2022.
Anang white paper, kulang sa transparency ang patakarang pandepensa at puwersang militar ng Tsina, at nagtatangka ang Tsina na unilateral na baguhin ang kalagayan ng East China Sea at South China Sea.
May maraming idinagdag na mga nilalaman hinggil sa Taiwan ang nasabing white paper.
Tungkol dito, inihayag Martes ni Tagapagsalita Wu Qian ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina na bulag sa katotohanan at lipos ng pagkiling ang nilalaman hinggil sa Tsina ng naturang defense white paper ng Hapon.
Aniya, naglalaman ito ng kung anu-ano hinggil sa depensa, tropa at normal na aktibidad-militar ng Tsina, sinadyang pinalalaki ang umano’y “pagiging bantang militar ng Tsina,” walang pakundangang nakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, at nang-uupat sa maigting na kalagayan ng rehiyon.
Nagpahayag ang panig Tsino ng mariing kawalang kasiyahan at buong tatag na pagtutol hinggil dito, at nagharap ng solemnang representasyon sa panig Hapones, dagdag niya.
Diin ni Wu, matatag na tumatahak ang Tsina sa landas ng mapayapang pag-unlad, at naggigiit sa patakarang “depensa lamang” at positibo’t pandepensang estratehiyang militar. Ang pagpapalakas ng Tsina ng puwersang pandepensa at kakayahan ng mga hukbo ay upang ipagtanggol ang soberanya, seguridad at kapakanang pangkaunlaran ng bansa, at mas mainam na ipagkaloob ang mga produkto ng seguridad na pampubliko sa komunidad ng daigdig.
Determinado, may kakayahan, at may kompiyansa ang tropang Tsino na ipagtanggol ang seguridad ng soberanya at kabuuan ng teritoryo ng bansa, at pangalagaan ang kapakanang pandagat ng bansa, at kapayapaan at katatagan ng rehiyon, ani Wu.
Salin: Vera
Pulido: Mac