Sa pag-uusap sa telepono Hulyo 28, 2022 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Joseph Biden ng Amerika, ipinaliwanag ni Xi na hindi tama ang mga konklusyon at pagkaunawa ng panig Amerikano sa relasyon ng dalawang bansa at pag-unlad ng Tsina na gaya ng pakikitungo sa relasyong Sino-Amerikano mula sa punto de bista ng estratehikong kompetisyon; at pagtuturing sa Tsina bilang pangunahing kalaban at pinakamalubhang hamon sa mahabang panahon.
Aniya, ito ay naghahatid ng maling senyal sa mga mamamayan ng dalawang bansa at komunidad ng daigdig.
Dagdag ni Xi, dapat magkasamang pasulungin ng dalawang bansa ang pagpapahupa ng tensyon sa mga kritikal na isyung panrehiyon at magtulungan tungo sa pag-aalis ng mga hamong pandaigdig na gaya ng pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), ekonomikong resesyon at pagtigil ng paglago ng kabuhayan.
Mariin din niyang inilahad, na ang tatlong magkasanib na komunike ay pulitikal na pangako ng dalawang bansa at ang prinsipyong Isang Tsina ay ang pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Amerikano.
Determinado ani Xi ang mahigit 1.4 bilyong Tsino na pangalagaan ang kabuuan ng teritoryo at soberanya, at tutulan ang “pagsasarili ng Taiwan” sa anumang paraan.
Para rito, hiniling niya sa panig Amerikano na maingat na hawakan ang isyu ng Taiwan.
Ipinahayag naman ni Pangulong Biden na ang kooperasyon ng Amerika at Tsina ay nakakabuti, hindi lamang sa kanilang mga mamamayan, kundi sa mga mamamayan ng iba’t ibang bansa.
Umaasa aniya siyang mananatli ang maalwang diyalogo sa panig Tsino para mapalalim ang pagkaunawaan sa isa’t isa, maiwasan ang maling konklusyon at pagkaunawa, hanapin ang koopersyon sa mga larangang may komong kapakanan ang dalawang panig, at maayos na kontrolin at hawakan ang mga pagkakaiba.
Inulit ni Biden na di-nagbabago ang paninindigang Amerikano sa prinsipyong Isang Tsina at hindi rin kinakatigan ng Amerika ang “pagsasarili ng Taiwan.”
Samantala, sa pag-uusap ng dalawang lider tungkol sa krisis ng Ukraine, sumang-ayon silang patuloy na isagawa ang pag-uugnayan.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio