Sa kabila ng mariing pagtutol at solemnang representasyon ng Tsina, lumapag mga 10:40 ng gabi, Agosto 2, 2022 sa Taiwan si Nancy Pelosi, Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika upang magsagawa ng pagdalaw.
Ito ay nagpapataas sa antas ng opisyal na pagpapalagayan ng Amerika at Taiwan, at lumalabag sa prinsipyong isang Tsina, tadhana ng tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika; at nakakapinsala sa pundasyong pulitikal ng relasyong Sino-Amerikano.
Masasabing ang naturang pagdalaw ay isang malubhang probokasyon laban sa panig Tsino, at nagpapakita na sinusuportahan ng mga puwersang pulitikal sa Amerika ang “pagsasarili ng Taiwan.”
Ito ay ang pinakamalaking elementong nakakapinsala sa katatagan at kapayapaan ng Taiwan Straits.
Bilang konsikuwensya, gagamitin ng Tsina ang anumang hakbangin para maipagtanggol ang kabuuan ng soberanya at teritoryo ng bansa.
Sa tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika, malinaw na kinikilala ng Amerika ang Taiwan bilang bahagi ng Tsina at ang pamahalaan ng Republika ng Bayan ng Tsina ay ang tanging lehitimong pamahalaang kumakatawan sa Tsina.
Bilang Ispiker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Amerika, nagbubulag-bulagan si Pelosi sa nabanggit na pangako’t pakataran ng kanyang bansa, at buong tigas na bumisita sa Taiwan.
Ipinakikita nito ang tangka ng ilang politikong Amerikano na pigilan ang pag-unlad ng Tsina sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga puwersang naghahangad ng “pagsasarili ng Taiwan.”
Ang naturang pagbisita ni Pelosi ay hindi tunay na nagpapahalaga sa Taiwan, kundi para sa pagpapabuti ng kalagayan ng Partido Demokratiko ng Amerika sa darating na halalan, sa pamamagitan ng pag-atake sa nukleong kapakanan ng Tsina.
Hindi nito mababago ang katotohanang ang Taiwan ay bahagi ng Tsina, at hindi rin ito hadlang sa determinasyon at pagsisikap ng Tsina para sa reunipikasyon ng Taiwan.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio